2 barko na gawa ng Navoteño, gagamitan ng BFAR

By Ludy Bermudo

MANILA, Philippines -  Nagpamalas nang galing at kasanayan ang mga Pinoy na manggagawa ng barko makaraang matapos sa Navotas City ang dalawang  Mission Offshore Vessels na gagamitin ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Kahapon ay inilunsad ang dalawang barko sa Josefa Slipways Inc. sa Brgy. San Roque, Navotas City na pinangunahan nina  Agriculture Secretary Emmanuel Piñol, Defense Secretary Delfin Lorenzana, BFAR Director Eduardo Gongona, Magdalo Repr. Gary Alejano, Navotas Congressman Toby Tiangco at  Navotas Mayor John Rey Tiangco.

Ang naturang barko na pinangalanang Lapu-lapu at Francisco Dagohoy ay parehong may sukat na 50.5 metro na sinimulang  gawin noong Enero 2016 at nakatakdang ikomisyon sa darating na Oktubre at magkakaroon simbolikong paglalayag sa West Philippine Sea, Philippine Rise at Sulu Sea.

Ang dalawang sasakyang-pandagat ay  gagamitin upang protektahan ang katubigan ng Pilipinas laban sa iligal na pangingisda at iba pang mga aktibidad tulad ng seaborne research, disaster relief at rescue operations.

Ipinagmalaki ni Mayor Tiangco ang mga Navoteño dahil  naabot na nito ang pag-unlad sa shipbuilding o larangan ng paggawa ng mga sasakyang-pantubig.

“Ang mga barkong ito ay bunga ng galing at kasanayan, at pagiging malikhain at maparaan ng mga Navoteño.  Ang ating mamamayan ang tunay na lakas at kayamanan ng ating lungsod,” aniya.

“Noong ako pa ang namumuno sa Metro Manila Shipyard Association, marami akong napuntahang mga shipbuilding at ship-repair convention.  Buong pagmamalaki kong masasabi na ang dalawang bagong multifunction vessels na ito ay kasing-ganda ng kalidad sa mga barkong gawa sa ibang bansa,” pagdaragdag niya.

Samantala, bukas naman si Congressman Tiangco sa plano ng administrasyong Duterte na magkaroon ng mas marami pang barko na magbibigay-proteksyon sa katubigan ng bansa.

Ayon sa mambabatas, maraming Navoteño ang makikinabang kung matutuloy ang proyektong ito, kung saan lokal na industriya ang magsu-supply ng mga MMOVs.

Ang Navotas ang itinuturing na fishing capital ng bansa.  Matatagpuan din rito ang 29 na mga kumpanyang gumagawa o nagkukumpuni ng mga barko, at nagbibigay ng mga serbisyong tulad ng shipyard at dry-docking. 

comments powered by Disqus

mofuse.com