Commuters huwag pagamit sa ilang transport group-I-ACT

By Lordeth B. Bonilla

MANILA, Philippines — Mariing nanawagan kaha­pon si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager at Inter-Agency Council on Traffic (I-ACT) head Tim Orbos sa mga mananakay na huwag  magpagamit sa ilang transport group para batikusin  lamang ang mahigpit na kampanya ng pamahalaan kontra sa mga bulok at mausok na jeep.

Nabatid na ilang manana­kay umano ang nagrerekla-mong walang masakyan sa ilang lugar ng Metro Manila  katulad sa area ng Makati,  dahil sinisisi ang umano’y isina­sagawang operasyon nang pinagsanib na pwersa ng I-ACT, MMDA,  DOTR, LTO, LTFRB, PNP-HPG at local government units para  sa “Tanggal Bulok, Tanggal Usok campaign”.

Sa nakarating na impormasyon kay Orbos, nabatid na ilang jeepney drivers ay ginagamit umano ang mga commuters para hindi lamang makapag-comply sa  itinatakdang requirement ng pamahalaan,  na ipinagbabawal na ang mga bulok at mausok na jeep na pumasada sa mga kalye.

Sinabi ni Orbos, na walang katotohanan aniya na paralisado ang operasyon ng transport group at walang masakyan ang mga commuters  dahil sa kanilang ginagawang operasyon.

Hinikayat din nito ang mga commuters na dapat ring magsalita at mag-demand ang mga ito na kailangan na aniyang mag-level-up ang transport group.

Ayon sa   communication head ng I-ACT na  si Elmer S. Argano, sa kanilang operasyon kahapon  sa Antipolo, Taft Avenue, Aurora, Katipunan, Quezon Avenue, Agham at Kalayaan-C5 para sa “Tanggal Bulok, Tanggal Usok campaign”, nasa 38 na sasakyan ang nahuli dahil depekto ang lights, 3 sasakyan ang ini-impound, 32 ang inisyuhan ng subpoena at 49 sa iba pang violation.

comments powered by Disqus

mofuse.com