Drug den sa QC sinalakay: Mga baril at droga nasamsam

By Mer Layson

image

Iprinisinta ni QCPD director Guillermo Eleazar ang mga baril at ilegal na droga na nasamsam kay Derek Framil matapos salakayin ang bahay nito sa Brgy. Culiat, kahapon ng madaling araw. (Kuha ni Joven Cagande)

MANILA, Philippines — Kasunod nang paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte ng isang memorandum na pormal nang nagbabalik sa Philippine National Police (PNP) sa war on drugs ng pamahalaan, isang hinihinalang drug den sa Brgy. Culiat, Quezon City, ang kaagad nang sinalakay ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) kahapon ng madaling araw, na nagresulta sa pagkakaaresto sa isang hinihinalang drug pusher at pagkakasamsam ng mga baril, mga bala at 30 plastic sachet ng hinihinalang shabu.

Ayon kay QCPD Director P/Chief Supt. Guillermo Eleazar, sa bisa ng isang search warrant, ay sinalakay ng kanyang mga tauhan ang tahanan ng isang Derek Framil, sa  Saint Bernadette St. sa Villa Lourdes Subdivision sa Brgy. Culiat dakong alas-12:45 ng madaling araw.

Kaagad namang inaresto si Framil, na sinasabing kabilang sa watchlist ng QCPD dahil sa pag-iingat ng mga armas at pagkakasangkot sa aktibidad ng ilegal na droga, matapos na makumpiskahan ng isang kalibre .45 pistola at isang kalibre .38 revolver, mga bala, at may 27 maliliit at medium sized na plastic sachet ng shabu, na tinatayang nagkakahalaga ng P100,000 at sinasabing mula pa sa Pasay City.

Nahirapan pa umano ang mga pulis na halughugin ang bahay ng suspek, dahil sa pagtanggi ng live-in partner nito na lisanin ang isang silid at pinagmumura pa at pinagsisigawan ang mga alagad ng batas.

Bagamat inamin ni Framil na gumagamit siya ng illegal na droga, mariin naman nitong itinatanggi na sa kanya ang mga baril at illegal na droga na nakumpiska ng mga pulis  mula sa kanyang tahanan.

“Ang alam ko diyan tawas ‘yan eh,” aniya pa. “‘Yun ang alam ko, kasi wala namang item dito, walang mga drugs dito.”

comments powered by Disqus

mofuse.com