14-anyos todas sa resbak

By Mer Layson

MANILA, Philippines — Todas ang isang 14-taong gulang na binatilyo matapos siyang pagbabarilin sa iba’t ibang bahagi ng katawan na sinasabing resbak ng umano’y panggugulpi ng grupo ng biktima sa suspek na naganap sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.

Ang biktima ay kinilalang si Jemerre Domingo, out of school youth na nakatira sa   Geronimo St., Novalichez, Quezon City.

Agad namang nadakip ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) Novaliches police station 4 ang suspek na si Ansari Egbow, 26, binata, vendor, residente ng Brgy. Sta. Monica, Nova­liches.

Sa imbestigasyon ni PO3 Virgilio Mendoza, nabatid na ang pagbaril at pagpatay sa binatilyo ay naganap dakong alas-12:45 ng madaling araw sa Brgy. Sta. Monica sa lungsod.

Ayon sa report, naglalaro ang biktima kasama ang ilang kaibigan nang dumating ang suspek at malapitang barilin sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang una na  nagresulta sa kanyang kamatayan.

Habang papatakas ang suspek na noon ay nasa Quirino Highway na, ang siya namang pagdating ng mga tauhan ng QPCD station 4 kaya ito nadakip.

Nabawi sa suspek ang isang kalibre 9mm na baril na may bala na sinasabing ginamit sa pagpatay sa biktima.

Sa himpilan ng pulisya ay inamin ng suspek na naghiganti lamang umano siya dahil sa pambubugbog na ginawa sa kanya ng grupo ng biktima.

comments powered by Disqus

mofuse.com