4 bulagta sa Caloocan

By Ludy Bermudo

Sa magkakahiwalay na drug operations

 MANILA, Philippines -  Apat katao na sinasabing dawit sa droga ang napatay sa isinagawang magkakahiwalay na operasyon sa Caloocan City.

Sa pagsalakay na isinagawa sa Bagong Silang kahapon ng madaling araw  napatay ang dalawang lala­king sangkot umano sa pagpapatakbo ng isang drug den nang makipagbarilan sa mga operatiba ng Drug Enforcement Unit (DEU) ng Police Community Precinct (PCP) ng Caloocan City Police.

Dead-on-the-spot ang da­lawang suspek na kinilalang sina Percival Garcia at Aldrin Barcela, na nagsisilbing look-out umano sa nasabing bahay na ginagawang drug den.

Sa ulat, alas 3:00 ng madaling araw kahapon nang salakayin ng DEU ang nasa­bing bahay base na rin sa natanggap na ulat na ginagawa itong drug den.

Sa pagresponde ng pulisya  nakita nila si Barcela na nasa tapat ng gate. Nang maramdaman ang presensiya ng mga pulis, agad umanong pumasok, ikinandado ang gate  at naglabas ng baril at pinaputukan ang direksiyon ng mga operatiba.

Dito na nagkaroon ng pagpapalitan ng putok na ikinasawi ng dalawang suspect.

Naaresto rin sa operasyon  ang magkapatid na sina Katrina Bermudez, 30 at Claire, 23, habang may tatlong iba pa na nakatakas. Narekober sa dalawang nasawi ang 2 kalibre .38 baril at kabuuang 7 sachets ng shabu.

Samantala, bulagta naman ang dalawang  ‘tulak’ ng iligal na droga nang maka-engkuwentro ng  mga elemento ng Caloocan City Police, sa   operasyon sa 3rd Avenue at Bagumbong North Caloocan, kamakalawa.

Alas-11:25 ng gabi ng Bi­yernes ng mapatay sa isinagawang buy-bust operation ang suspek na si Frank Bernas, alyas  Boy Komang, 37, residente ng 3rd Avenue, Brgy. 118, Caloocan City .

Nauna rito, alas- 5:45 ng hapon nang magsagawa  ng “One-Time Big-Time” operation ang Caloocan Police sa Brgy. 171 Bagumbong , Caloocan nang maispatan si alyas Michael Golden, na kilalang ‘tulak’ ng droga sa lugar na nakipagpalitan din ng putok sa mga awtoridad.

comments powered by Disqus

mofuse.com