2 pagsabog sa QC: 3 bahay naabo

By Mer Layson

 MANILA, Philippines - Tatlong bahay sa loob ng isang compound ang tinupok ng apoy matapos ang dalawang malakas na pagsabog na hinihinalang sanhi ng electrical overload sa Project 6, Quezon City kahapon ng umaga.

 Ayon kay Fire Insp. Rosendo Cabillan, pasado alas-6:00 ng umaga nang magsimulang sumiklab ang apoy sa isang tree house na matatagpuan sa Road 2, na inuupahan ng isang hospital worker.

 Wala umanong tao sa tree house dahil nasa trabaho pa ang umuupa doon.

 Kuwento naman ni Jonathan Senono, na umuupa sa isa sa mga bahay, bago sumiklab ang sunog ay nakarinig siya ng dalawang malakas na pagsabog.

 Hindi pa batid ang sanhi ng pagsabog, ngunit ayon kay Cabillan, posibleng may naiwang gadget o appliances na nakasaksak kaya nagkaroon ng electrical overload.

 Tinatayang aabot sa P75,000 ang halaga ng mga ari-arian na natupok sa sunog na umabot ng ikalawang alarma bago tuluyang idineklarang under control dakong alas-6:53 ng umaga.

comments powered by Disqus

mofuse.com