Chinese biniktima ng ‘tricycle holdup group‘

By Ludy Bermudo

MANILA, Philippines — Bigong  makalipad palabas ng bansa ang isang Chinese national nang holdapin ng dalawang lalaking sakay ng tricycle habang ang backpack naman ay tinangay din ng sinakyang tricycle sa bahagi ng Ermita, Maynila, habang patungo sana sa NAIA Terminal 3, kamakalawa ng gabi.

Sa reklamo sa Manila Police District-General Assignment and Investigation Section (MPD-GAIS) ng biktimang si Jie Yang, 29, ng Xiaozhou Village, Guangzhou, China , dakong alas- 7:00 ng gabi nang sumakay siya ng tricycle at nagpapahatid sa NAIA 3. Sumakay siya ng tricycle sa harap ng 168 Mall sa Binondo, Maynila.

Habang binabagtas ang P. Burgos St. sa panulukan ng Ma. Orosa St, sa Ermita  ay may nakabuntot na isa pang tricycle na biglang humablot ng hawak niyang cellphone kaya bumaba ang biktima ng tricycle upang habulin.

Sa paghabol sa 2 suspek na humablot ng cellphone, biglang humarurot naman ang sinakyang tricycle papatakas tangay ang kaniyang backpack na kulay gray na naglalaman ng passport, Chinese identification card, Hong Kong ID, credit card, mga personal na gamit tulad ng damit at pantalon, cash na P1,000, notebook at ballpens habang ang cellphone naman na Xiaomi ay di rin nabawi.

Nagpasaklolo ang biktima sa mga tao sa lugar na nagturo sa kaniya na ireport sa Tourist Police Unit ng MPD-Station 5 bago iniendorso na maghain ng reklamo sa MPD-GAIS. 

comments powered by Disqus

mofuse.com