Caloocan City police headquarters, nasunog

By Danilo Garcia

MANILA, Philippines — Natupok ang pangunahing gusali ng Caloocan City Police  ma­ka­­raang sumiklab ang malaking sunog dulot ng faulty electrical wiring, kahapon ng madaling araw.

Sa ulat ng Bureau of Fire Protection, dakong alas-4:30 ng ma­daling araw nang unang sumiklab ang apoy sa Caloocan City Police headquarters sa may Samson Road, Sangandaan, ng naturang lungsod. Agad na itinaas sa unang alarma ang sunog at mabilis na umakyat sa ikaapat na alarma dakong alas-5 ng mada­ling araw.

Higit sa 20 mga trak ng bumbero ang rumesponde sa insidente kabilang ang mga tauhan ng Caloocan Fire Department na katabi lang ng CCPS. Alas-5:30 nang ideklara ni City Fire Marshall F/Supt. Gary Alto ang fire under control status at alas-6 ng madaling araw nang magdeklarang fire out.

Sa inisyal na imbestigasyon, hinihinala na ang sala-salabat na electrical wiring ang dahilan ng sunog na mabilis tumupok sa mala­king bahagi ng gusali na gawa sa  light materials.

Kabilang sa mga opisinang natupok ang administration, personnel, supply, investigation, operations, police community relations, detention center at maging ang tanggapan  ng mga mamamahayag na nakatalaga sa lungsod. Nadamay rin ang ilang bahay sa residential area sa likod ng istasyon.

Samantala, tiniyak naman ni CCPS chief, Sr. Supt. Jemar Mo­de­quillo na walang nasaktan sa insidente kabilang ang mga inmates sa nadamay rin na detention center. Agad na nailikas at dinala sa firing range ng istasyon ang nasa 90 lalaki at 12 babaeng inmates.

Bagama’t naabo naman ang mga dokumento kabilang ang mga kaso ng mga bilanggo at mga case files ng mga biktima ng summary executions at mga pamamaril na may kaugnayan sa iligal na droga, sinabi ni Modequillo na may back-up files naman sa Northern Police District (NPD) headquarters na regular nilang pina­dadala.

Tinatayang nasa P1 milyon ang halaga ng mga ari-arian na natu­pok sa insidente na patuloy na masusing iniimbestigahan pa ng mga arson investigators.

comments powered by Disqus

mofuse.com