2 Korean na wanted, ipade-deport ng BI

By Doris Franche- Borja

MANILA, Philippines -  Ipade-deport ng Bureau of Immigration ang dalawang Koreans na wanted sa kanilang bansa dahil sa pagtangay ng malaking halaga sa mga kababayan nito.

Ayon BI Commissioner Jaime Morente, ang mga South Korean fugitives na sina Lim Chae Beom, 63 at Son Dae Hyon, 45 ay naaresto ng mga tauhan ng fugitive search unit (FSU) sa pinagtataguan ng mga ito sa hiwalay ng lugar sa Cavite at Cabanatuan City.

Inihahanda na ng BI board of commissioners ang ilalabas nitong summary deportation laban sa mga ito kung saan awtomatikong blacklisted na ang mga ito para makabalik ng bansa.

Sinasabing unang nadakip si Beom noong nakalipas na Marso 10 sa bahay nito sa Binakayan, Kawit, Cavite habang si Hyon ay naaresto sa isang subdibisyon sa Cabanatuan City.

Ayon sa Seoul court, tumangay ng 238 milyong won o na katumbas ng US$210,000 si Beom sa dalawang kababayan nito sa pagitan noong Nobyembre 2013 at Pebrero 2014 matapos pangakuan ang mga huli ng bebentahan ng 3,000 kilo ng freshwater eel mula Okinawa, Japan.

 Samantalang si Son ay wanted makaraang tangayin ang mahigit sa US$141,000 ng pinapasukan nitong Korean-owned construction firm sa bansang Vietnam noong Oktubre 2011 kapalit ng gold bars.  

comments powered by Disqus

mofuse.com