Sa Piling ng Kalapati (41)

By Ronnie M. Halos

“HANGGANG sa manganak ako. Babae ang baby ko. Nasa tabi ko naman si Toshi makaraan akong makapanganak. Masaya raw siya. Pero para bang hindi ako komportable. Mayroon akong nararamdaman na kakaiba. Aywan ko pero iyon ang nararamdaman ko nang mga oras na iyon.

“Keiko ang ipinangalan sa baby namin. Sabi ni Toshi, bagay na bagay daw iyon sa aming baby. Kamukha ko raw ang aming baby. Pero sa tingin ko, mas kamukha niya dahil singkit. Parang hiniwa ng blade ang mga mata kaya mas kamukha niya kaysa sa akin.

“Kahit paano nabawasan ang mga nararamdaman kong takot dahil sa pagkakaroon namin ng anak. At least, mayroon na akong kasama kahit na sanggol pa lamang.

“Ang isa ko lang pinagtataka ay hindi man lang dumalaw ang parents ni Toshi habang ako ay nasa ospital. Pero naisip ko naman, baka hindi uso sa kanila na dadalawin ang nanganak. Baka sa mga Pinoy lang uso ang ganun.

“Hanggang sa lumabas na ako ng ospital at umuwi sa bahay ng mga magulang ni Toshi. Hindi man lang ako sinalubong ng mga magulang ni Toshi. Wala lang. Balewala lang. Hindi rin tiningnan ang kanilang apo. Hindi katulad ng mga lolo at lolang Pinoy na tuwang-tuwa kapag nakita ang apo. Pero sa isip ko naman, baka ganun talaga ang mga ugali ng Ja­panese. Hindi sila mapagmahal sa apo.

“Makalipas ang isang buwan, nagulat ako nang may sabihin sa akin si Toshi, kailangan daw umuwi ako sa Pinas. Naghihigpit daw ang mga awtoridad. Baka raw hulihin ako. Susunod daw siya sa akin. Takang-taka ako. Ba’t ako hu­hulihin e kasal naman kami.

“Huwag na raw akong magtanong pa basta sundin ko na lang siya. Sabi ko’y uuwi ako pero kasama si Keiko. Ako lamang daw ang uuwi. Siya na lamang daw ang magdadala kay Keiko sa pagtungo sa Pinas!”

(Itutuloy)

comments powered by Disqus

mofuse.com