Damo sa Pilapil (135)

By Ronnie M. Halos

“NANINIWALA kasi si Daddy na kapag maayos ang ka­lagayan ng mga emplea­do, produktibo sila. At ka­­pag produktibo, malaki ang tsansang umunlad ang kompanya,” sabi ni Dulce habang nakaunan ang ulo sa braso ni Zac. Nakababad sila sa higaan at doon nagkukuwentuhan.

“Tama yun, Love. Kaya nga lahat nang mga ma­aaring magawa para ma­paganda ang kalagayan ng mga empleado natin ay ginagawa ko.’’

“Naniniwala ako sa ka­kayahan mo Love. Mula nang hawakan mo ang kom­panya, lumobo ito at palagay ko, magpapatuloy pa dahil nga mahusay kang mag-manage.’’

“Marami akong plano, Love at siyempre, hihingin ko ang payo mo.’’

“Kung siguro’y buhay si Daddy ngayon, napakasaya niya dahil may tao na nagpatuloy ng kanyang adbokasiya. Siguro, mahal­ na mahal ka rin niya. Sayang at hindi nangyari iyon. ‘Yun namang napangasawa ko na inakala kong mamahalin ang sinimulan ni Daddy, muntik nang ibagsak. Isang malaking kamalian ang nagawa kong desisyon para sa taong ‘yun Love.’’

“Kalimutan mo na ‘yun. Ako na lang ang harapin mo, okey?’’

“Oo, ‘yan talaga ang gina­gawa ko. Nasasabi ko lang naman ang masakit na bahaging iyon ng aking buhay dahil hindi maiwasang banggitin, pero sa totoo lang, tinunaw ko na ‘yun sa alaala.’’

“’Yan ang tama, Love. Kailangang mamuhay tayo sa kasalukuyan at hindi sa nakaraan.’’

Niyakap ni Zac ang asawa. Mahigpit ang pagkakakayakap na lalong nagpapadama nang labis niyang pagmamahal dito. Si Dulce naman ay lubusang nagpakulong sa yakap ni Zac. Isinuko niya ang sarili sa pinagtitiwalaang asawa. Wala na siyang ma­hihiling pa kay Zac.

HINDI tumitigil si Zac sa pag-iisip kung ano pa ang mga magagawa para sa ikabubuti ng kanyang mga empleado. Gusto niya, maging maayos at komportable ang lahat. Malaki ang nagagawa sa kompanya kung ang mga empleado ay nasa mabuting kalagayan ang buhay. Uunahin niya ang kalagayan ng mga ito higit sa lahat.

(Itutuloy)

comments powered by Disqus

mofuse.com