Damo sa Pilapil(133)

By Ronnie M. Halos

ANG lahat nang ipinaki­kita at ipinadaramang pag­mamahal ni Dulce sa kan­yang mga biyenan ay hindi nalilingid kay Zac.

At labis siyang natutuwa sa ginagawa ng asawa. Napakabuting asawa ni Dulce. Wala man lamang pagmamataas siyang nakikita rito sa ka­bila nang pagiging mayaman. Nakatuntong pa rin sa lupa sa kabila na nasa kanya na ang lahat ng biyaya. Pambihira ang ganitong babae. Nag-iisa sa mundo si Dulce.

“Salamat sa pagmama­hal mo sa mga magulang ko, Love,” sabi ni Zac nang umuwi siya ng hapong iyon. Sadyang ina­gahan niya ang pag-uwi para mapasalamatan ang asawa sa mga ginagawa nitong kabutihan sa kanyang itay at inay.

Napangiti si Dulce.

“Kaya ka ba maagang umuwi ay para sabihin yan, Love?’’

“Oo. Habang nasa office ako kanina ay naalala ko ang mga ginagawa mong kabutihan kaya nagmamadali akong umuwi.’’

“Ang sweet naman ng Love ko. Pero tamang-tama ang pag-uwi mo dahil nagluto ako nang masarap. Marami na akong alam lutuin, Love.’’

“Talaga? Anong niluto mong masarap?’’

“Nagluto ako ng paborito mong ginataang tilapia na may dahon ng mustasa.’’

“Wow sarap! Sinong nagsabi na paborito ko ang ginataang tilapia?’’

“Si Inay sino pa? Sabi niya, no­ong nasa high school ka pa raw ay iyan ang madalas mong iulam.’’

“Oo paborito ko nga! Marami kaming nahuhuling tilapia sa ilog at ipinaluluto ko kay Inay. Napakasarap!’’

“Tiyak na magugustuhan mo ang luto ko.’’

“Lahat naman nang luto mo ay gusto ko…”

“Talaga?’’

“Oo. Di ba lahat? ’’

“Halika na. Kumain na tayo. Masarap din ang rice natin. Si Itay ang bumili sa supermarket kanina. Sanay na sanay siyang pumili nang masarap na bigas.’’

Inakbayan ni Zac ang asawa nang magtungo sila sa kitchen para kumain. Maligayang-maligaya siya.  (Itutuloy)

comments powered by Disqus

mofuse.com