Sa Piling ng Kalapati (13)

By Ronnie M. Halos

“TAPUSIN mo muna ang pag-aaral mo, isang sem ka na lang naman,” sabi ni Mommy Donna.

“Naaawa ako sa’yo eh. Kahit hindi mo sabihin, nararamdaman ko na napapagod ka na.’’

“Hindi! Kaya ko.’’

“Mag-aaplay ako sa fast food chain. O kahit sa mall.’’

“Huwag na. Tapusin mo na muna ang course mo!’’

Hindi sumagot si Ruth. Nanatiling nakatingin sa ina-inahan.

“Gusto ko, makapagtapos ka. Para naman may naging saysay ang pag-ampon ko sa’yo. Kung magtatrabaho ka, tiyak ako na hindi mo na yan matatapos dahil mawiwili ka. Kumikita ka na e. Basta sundin mo ako at wala tayong pag-aawayan.’’

Tumango si Ruth.

“Kapag nakatapos ka ng course mo saka ka maghanap ng trabaho at kapag kumikita ka na saka ako titigil dito sa “trabaho” ko. Okey?’’

Tumango uli si Ruth.

“Palagay ko, madali kang makaka­kita ng trabaho dahil matataas ang grades mo. Pagbutihan mo pa ang pag-aaral at baka mapasama ka sa honor.’’

“Pipilitin ko Mommy.’’

“Alam ko kaya mo.’’

Tumango ulo si Ruth.

Nang magsalita uli siya ay tungkol na sa “trabaho” ng ina-inahan ang topic.

“Gusto ko talaga na tumigil ka na Mommy. Kaya naisip ko na maghanap na ng trabaho.’’

“Hayaan mo at titigil din ako.’’

“Naaawa nga ako sa’yo, Mommy.’’

“Salamat.’’

 

PERO  matagal pa bago mangyari iyon sapagkat gabi-gabi ay umaalis pa rin si Mommy Donna. May pagkaka­taon na nagsabing hindi na ito lalabas pero hindi nagkakatotoo. Patuloy ang “trabaho” nito sa gabi.

(Itutuloy)

comments powered by Disqus

mofuse.com