Sa Piling ng Kalapati (24)

By Ronnie M. Halos

UMAGA. Dumating si Mom­my Donna. Naka-tak­si. Maraming dala. Groceries.

“Ruth, tulungan mo akong ipasok itong mga pinamili ko.”

“Opo!’’

Lumabas si Ruth. Li­mang bag ng grocery bags ang nasa may tarangkahan.

Binuhat ni Ruth ang apat na bags sa kanang kamay at ang isa sa kaliwa. Nauna nang pumasok sa bahay si Mommy Donna.

“Ang dami mong pinamili, Mommy.’’

“Mga kailangan natin. Wala na tayong sabon, shampoo, toothpaste at iba pa. Pati pagkain natin. Mga corned beef ang binili ko, mas Mabuti yan at madaling iluto, Hindi ka na mahihirapang mag-isip pa kung ano ang kakainin. Pagnagmamadali ka sa pagpasok sa school e di mayroon ka agad iluluto. Di ba sabi mo busy ka na ngayong panahon dahil nagte-thesis ka. Bumili rin ako ng mga noodle. Maski sa paggising mo sa umaga e di meron ka na agad kakainin – mainit na tubig lang ang kailangan at solb na.’’

Iyon ang isa sa mga ugali ni Mommy Donna na gustung-gusto ni  Ruth – mapagkalinga at mapagmahal. Ang kapakanan niya ang laging nasasaisip ng ina-inahan. Wala na yatang hihigit pa sa pagkalinga ni Mommy Donna. Kahit napapagod na, ang kapakanan pa rin niya ang nasasaisip nito.

“Siyanga pala, mayroon ka pa bang kailangan sa school. Sabi mo may babayaran ka pa para sa thesis defense mo. Yung bayad para sa annual -- yung graduation photos…’

“Next week pa yun Mommy.’’

“Bayaran mo na at baka makaapekto pa sa paggraduate mo.’’

“Opo,.’’

“Excited ako sa graduation mo, Ruth, Magpapaganda ako sa araw na iyon.’’

“Kahit hindi ka magpaganda, maganda ka sa akin forever.’’

“Bola.’’

Totoo naman ang sinabi ni Ruth. Walang makakapantay sa pagmamahal niya sa ina-inahan.

(Itutuloy)

comments powered by Disqus

mofuse.com