Damo sa Pilapil (16)

By Ronnie M. Halos

MAY pagkakataon na isang linggong nawawala si Mam Dulceamor at si Zac lamang ang naiiwan sa bahay sa gabi. Si Manang Cion naman na naglilinis, naglalaba at nagluluto ay umuuwi sa hapon. Pagdating ni Zac sa hapon ay paalis na si Manang Cion.

“Zac aalis na ako. Ikaw na uli ang tao rito. Baka sa Lunes pa ang dating ni Mam Dulce mo. Nasa conference daw siya sa Baguio. Napakasipag ni Dulce. Pero palagay ko, sinisikap niyang libangin ang sarili.’’

“Sige po Manang Cion. Ako na ang bahala rito.’’

“May pagkain nang luto riyan hanggang bukas ng umaga. Ipainit mo na lang sa microwave.’’

“Opo Manang. Salamat po.’’

“Bukas na lang uli ako babalik. Sige, aalis na ako.’’

May itatanong pa sana si  Zac kay Manang Cion pero pinigil niya ang sarili. Baka kung ano ang isipin ni Manang Cion. Itatanong sana niya kung nasaan ang asawa at anak ni Mam Dulce. At bakit kailangang libangin nito ang sarili. May mala­king dahilan siguro kaya nais maglibang.

Pero ayaw niyang may masabi si Manang Cion kaya hindi na siya nagtanong. Hayaan na lang niyang magkuwento si Manang ng mga tungkol kay Mam Dulce. Basta­ hindi siya magtatanong ng tungkol sa personal na buhay ni Mam Dulce. Iginagalang niya si Mam Dulce at ayaw niyang gumawa ng isang bagay na maa­aring ikagalit nito sa kanya.

Pinagbutihan na lang niya ang pagtatrabaho para naman hindi siya kahiya-hiya kay Mam Dulce. Kapag nagtamad-tamad siya o na­ging iresponsable sa trabaho, si Mam Dulce ang apektado sapagkat ito ang kanyang padrina. Nakakahiya.

ISANG umaga, naghuhugas ng pinggan si Zac ay big­lang lumapit si Mam Dulce. Dumating na pala ito.

“Ba’t ikaw ang naghu­hugas niyan, Zac?’’

“Kaunti lang naman po ito. Kawawa naman si Manang Cion kung siya pa ang maghuhugas.’’

Napangiti si Mam Dulce.

Saka nagtanong uli ito.

“Kumusta naman ang work mo? Wala bang problem?’’

“Wala po Mam. Okey lang po.’’

“Kapag gusto mo nang mag-enrol sa kolehiyo, let me know.’’

“Opo Mam. Sasabihin ko po.’’

Umalis na si Mam Dulce.

Hindi maipaliwanag ni Zac ang kasiyahang naram­daman. Matutupad na rin ang pangarap niyang makapag-aral sa kolehiyo.

(Itutuloy)

comments powered by Disqus

mofuse.com