Sa Piling ng Kalapati (43)

By Ronnie M. Halos

“’YUN ang pinakamalungkot kong pag-uwi sa Pinas sapagkat walang sumalu­bong sa akin. Noon ka­sing mga unang taon ko nang pagiging Japayuki at umuuwi ako ay suma­salubong ang aking mga magulang at isang kapatid. Kaya, kawawang-ka­wawa ako nang umuwi na walang sumalubong. Sabagay, hindi naman alam ng ka­patid ko na darating ako. Wala na rin kasi akong komunikasyon sa kanya mula nang magpakasal ako kay Toshi. Naputol na ang magandang relasyon namin. Alam ko, galit sa akin ang kapatid ko. Lalo pang nagalit nang hindi ako umuwi nang mamatay sina Itay at Inay…’’

Sa bahaging iyon ng pagkukuwento ay muling­ napaiyak si Mommy Donna­. Umagos ang luha sa pis­ngi.

Niyakap ni Ruth ang ina-inahan para payapain. Naaawa siya rito. Ganito pala kabigat ang kuwento ng buhay ng babaing nagmalasakit sa kanya. Kawawa naman si Mommy Donna kahit hindi pa niya lubusang nalalaman ang kabuuan ng kuwento ng buhay nito.

Maya-maya nagpatuloy sa pagkukuwento si Mommy Donna.

“Umuwi ako sa aming bahay sa Santa Ana. Hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa pagkikita namin ng kapatid ko. Wala akong ibang mapupunta­han kundi siya.

“Pagdating ko sa amin, akala ko walang tao. Tawag ako nang tawag pero walang sumasagot. ‘Yun pala, nakasilip na sa bintana ang kapatid ko. Nang pumasok ako, saka siya nagsalita. Pinagmumura ako. Ang kapal daw ng mukha ko. Natiis ko raw na hindi makita sina Itay at Inay. Hinihintay daw ako pero hindi ako dumating.

“Kung anu-ano pang masasakit na pananalita ang natanggap ko. Wala akong nagawa kundi umalis…’’                           (Itutuloy)

comments powered by Disqus

mofuse.com