Sa Piling ng Kalapati (25)

By Ronnie M. Halos

“Huwag ka agad magbo-boyfriend, Ruth,” sabi ni Mommy Donna. “Masisira ang mga plano mo kapag may boyfriend. Kapag nakatapos at may­roon ka nang magandang trabaho saka ka mag-entertain ng boys.’’

“Oo naman, Mommy. Paglilingkuran muna kita bago ako makipag-commit sa iba. Pangako ‘yan.’’

“Kahit hindi mo ako paglingkuran ang gusto ko lang ay maisaayos ang lahat – may natapos ka at may magandang trabaho. Maligaya na ako sa mundong ito.’’

“Basta, hindi muna ako magbo-boyfriend para makapag-concentrate sa paghahanap ng trabaho at nang matupad ang pa­ngako ko sa’yo.’’

“Sana ay matupad. Ang ganda mo kasi kaya may feeling ako na puputaktihin ka ng suitors. Kailangan maging matalino ka rin.’’

“Ipanatag mo ang loob mo, Mommy dahil hindi agad ako mag-aasawa.

Niyakap ni Mommy Donna si Ruth.

 

ISANG buwan ang nakalipas, muling naglinis ng kuwarto ni Mommy Donna si Ruth. Winalis niya ang ilalim ng bed ni Mommy Donna. Nagulat siya sapagkat wala na roon ang sobre! Hinanap niya sa dulong bahagi. Baka naman nilipad lang ng hangin. Wala talaga!

Maaaring nakita ni Mommy Donna at itinago na. Siguro’y nagtataka rin kung paano napunta ang sobre sa ilalim ng kama. Mabuti na lang at naibalik niya ito sa orihinal na pinagkakitaan.

(Itutuloy)

comments powered by Disqus

mofuse.com