Damo sa Pilapil (134)

By Ronnie M. Halos

KAPAG nagkakasarili­nan, may mga kakatwang tanong si Dulce kay Zac. Gaya minsan na magka-tabi sila sa higaan. Umaga noon at maaga silang nagising.

“Kapag namatay ako, Love, mag-aasawa ka uli?’’

“Hindi!’’

“Owww, talaga?’’

“Oo. Hindi ako mag-aasawa.’’

“E bata ka pa. Imposible yun.’’

“Hindi imposible, Love. May mga lalaking hindi na nag-aasawa kapag namatay ang kanilang misis. At kabilang ako roon. Nag-iisa ka sa akin, Love. Di ba nasabi ko na sa’yo nun pa.”

Hinalikan ni Dulce sa pisngi si Zac.

“Talagang ako lang at wala nang iba Zac?’’

“Oo. Nag-iisa ka nga.’’

“Kasi ang ibang lalaki, wala pang isang taong na­mamatay ang asawa, nag-uwi na agad ng babae sa bahay nila.’’

“Hindi matapat ang   mga yun. Ako laging matapat sa’yo.’’

Hinalikan uli ni Dulce si Zac.

“Masarap kang maha-lin, Love.’’

“Ikaw din, masarap mahalin. Huwag na nga nating pag-usapan ang tungkol sa patay-patay. Gusto ko pawang masaya ang pag-usapan natin.’’

“Naitanong ko lang naman, Love. Sige hindi na ako magtatanong ng weird. Pawang masasaya na lang at positive.’’
“Ganyan ang gusto ko.’’

“Siyanga pala, Love, gusto ko makita mo ang iba ko pang ari-arian na pinamana sa akin ng parents ko. Magiging sa’yo na rin iyon. Gusto ko malaman mo ang mga iyon para pagda-ting ng panahon, hindi ka na mahirapan.’’

“Sige, Love.’’

“Siyanga pala Love, naisaayos mo na ba yung para sa iyong mga empleado na pagkakalooban mo ng housing units.’’

“Oo. Napinal na.’’

“Salamat naman at nagawa mo. Maaasahan  ka talaga. Noon kasi, pangarap ni Daddy sa mga empleado na magkaroon ng sariling bahay at lupa.’’

“Matutupad na iyon.’’

(Itutuloy)

 

comments powered by Disqus

mofuse.com