Nunal (68)

By Ronnie M. Halos

KINABUKSAN, isang van ang inarkila ni Anto para sakyan ni Robert­ at pagkargahan ng paintings­ ni Mahinhin. Doon niya ikinarga ang lahat ng paintings ni Mahinhin. Ingat na ingat siya habang ikinakarga ang mga paintings na nang bilangin niya ay nasa 153 piraso kabilang ang obra nitong self portrait.

Nang maikarga lahat ang paintings ay isi­nara na ni Robert ang bahay ni Mahinhin. Sini­gurong nakakandado. Nakadama siya ng lungkot habang ikinakandado ang bahay. Hindi niya alam kung kailan babalik dito si Mahinhina at Bighani. At iisa ang ibig sabihin niyon, walang katiyakan kung kailan sila magkikita. Pero sana, maging maayos sana ang kalagayan ng magkapatid kung nasaan man ang mga ito ngayon.

Nagpaalam na siya kay Anto at saka binigyan ng pera.

“Para saan ito?”

“Bigay ko sa iyo. Bayad sa lahat nang abala na idinulot ko sa’yo.’’

“Naku eto naman para yun lang e. Kahit wala kang ibigay sa akin, handa akong tumulong sa’yo.’’

“Sige na tanggapin mo na. Marami akong utang na loob.’’

“Sige tatanggapin ko ito Robert. Pero sana bumalik ka rito para malaman ko ang mga nangyayari.’’

“Babalik ako Anto. Hindi maaaring hindi dahil malalim na ang pagkakaibigan natin. Isa pa, gusto kong balikan si Mahinhin.’’

“Hayaan mo at kapag may nakuha akong balita tungkol kay Mahinhin ay ipaaalam ko sa’yo.’’

“Paano e wala ka namang cell phone dahil wala pang kuryente rito.’’

“Susulatan kita. Akong bahala. Iwan mo ang address mo.’’

“Sige Anto. Ma­raming sala­mat. Tunay kang kaibigan.’’

“Salamat din at paalam, Robert.’’

Umalis na ang van.

(Itutuloy)

comments powered by Disqus

mofuse.com