Sa Piling ng Kalapati (45)

By Ronnie M. Halos

IBINALITA ni Toshi kay Mommy Donna na patay na ang kanilang anak na si Keiko! Nagkasakit daw ito at namatay. Inilibing na raw nila si Keiko.

Halos mahimatay daw si Mommy Donna sa narinig. Paano mamamatay ang kanyang anak na si Keiko ay ang lusug-lusog nito at walang palatandaang may sakit.

At ang sabi pa umano ni Toshi, baka hindi na raw siya makasunod pa sa Pilipinas.

Dahil sa tindi ng natanggap na balita ay umiyak daw nang umiyak si Mommy Donna sa labas ng phone booth. Naglulupasay daw siya at hindi na pinansin kung pinagtitinginan siya ng mga dumadaang tao. Wala raw siyang pakialam kung sabihang baliw dahil sa biglang paglulupasay at pag-iyak.

“Kung sa iba siguro nangyari ang ganun, baka ganundin ang mangyari na parang maloka-loka at halos mabaliw na sa kaiiyak. Sino ang hindi masisira ang ulo kapag nakatanggap ng balita na ang anak mo ay namatay. Siguro, walang pusong ina na lamang ang hindi magre-react sa ganung sitwasyon.

“Kaya nga sinisisi kung ang sarili kung bakit pumayag na umuwi na hindi kasama ang anak kong si Keiko. Sana nagmatigas ako na hindi umuwi. Kahit sinaktan pa ako ni Toshi, sana hindi ako umalis sa Japan. Basta kasama ko si Keiko, okey lang kahit anong gawin sa akin ni Toshi at mga walang­hiyang parents niya.

‘‘Nagpatung-patong ang mga iniisip ko noon kaya talagang naglupasay na ako na parang wala nang solusyon sa lahat. Imagine mo naman, nawalan na ako ng anak e galit pa sa akin ang kapatid ko. Pag hindi ka naman naburyong sa pagkakataong iyon. Feeling ko nag-iisa na talaga ako sa mundo. Pakiramdam ko, wala na akong kakampi.

‘‘Pero ito lang ang masasabi ko, kahit pa dumanas ako nang mabibigat na problema, hindi ko naisip na tapusin ang buhay. Di ba ang ibang tao riyan dahil sa depression at mga kabiguan ay nagpa­pakamatay? Ako hindi. Na­niniwala ako na lilipas din ang lahat at magiging normal ang buhay. Ang hindi ko lang naiwasan ay itong kinasadlakan kong trabaho na mag-“service”. Pero ibang kuwento na ‘yun.’’

Humanga si Ruth sa ina-inahan. Sa dami ng mga pi­nagdaanan nitong mabibigat na pagsubok, nanatiling ma­lakas ang determinasyon at nakahawak na mayroon pang pag-asa.

“E Mommy talagang hindi na bumalik o nagtungo rito si Toshi? Ano ang balita sa kanya?’’

“Wala na. Palagay ko, talagang balak niyang huwag na akong puntahan pa. Siguro, naimpluwensiyahan ng mga walanghiyang magulang.’’

(Itutuloy)

comments powered by Disqus

mofuse.com