Nunal (125)

By Ronnie M. Halos

NANG makaalis na ang mga operatiba ng PDEA, bitbit ang drug lord na si Tsekwa, saka lamang lubusang nakahinga nang maluwag sina Robert at Mahinhin. Nabunutan na sila ng tinik. Nawala na ang pangamba na ilang buwan ding tinaglay nila.

“Hindi na tayo magkakalayo pa, Mahinhin. Hindi na ako papayag na magkawalay pa uli tayo.’’

“Ako rin Robert. Ayaw ko nang mapahiwalay muli sa’yo.’’

“Alam mo, kung anu-ano na ang naiisip ko tungkol sa’yo. May pagkakataong naiisip ko na natagpuan ka na ni Tsekwa at kung ano na ang ginawa sa’yo. Baka inihulog ka sa dagat o kaya’y sinemento gaya ng ginagawa ng ilang drug lord.’’

“Hindi ka naghinala na narito lang ako sa basement ng bahay?’’

“Naghinala ako nung sabihin ni Anto na may nakita siyang usok na nagmula sa kusina. Pero duda pa rin ako. Hanggang sa maisipan kong pumasok dito at natuklasan ko nga ang secret basement.’’

“Natakot nga ako nang bigla kang pumasok sa basement. Ang akala ko, kalaban. Hindi pala.’’

“Hindi ko malilimutan ang nangyaring ito, Ma­hinhin.’’

“Ako man.’’

“Kaya nga gusto ko, makasal na tayo.’’

“Yan din ang gusto ko, Robert.’’

Nang may maalala si Robert.

“Teka nga pala, si Bighani, sunduin na natin. Baka inip na inip na ‘yun.’’

“Oo nga. Palagay ko sabik na sabik na rin siyang makita tayo.”

Umalis sila para sunduin si Bighani.

(Itutuloy)

comments powered by Disqus

mofuse.com