Nunal (40)

By Ronnie M. Halos

NAGYAYA na si Anto nang mapansin na wa­lang darating na tao sa bahay. Isang oras na silang naghihintay sa may bakuran ng bahay. Nakasilong sila sa mala­king puno ng mangga.

“Halika na, Robert. Umuwi na tayo. Palagay ko, walang darating na tao diyan.’’

“Paano mo nasiguro, Anto?’’

“Tingnan mo ang pinto­ ng bahay, nakalagay ang malaking kandado. Ibig sabihin, may pinun­tahang malayo ang may-ari. Baka bukas pa uuwi ang may-ari.’’

“Siguro nga, Anto. Sa­yang akala ko, makikilala na yung babae.’’

“Bumalik na lang tayo sa ibang araw.’’
“Sige Anto, uwi na tayo.’’

Umuwi na sila.

“Palagay ko galing sa abroad ang may-ari ng bahay. Yung style ng bahay ay katulad ng ibang bahay dun sa kabilang barangay na ang mga may-ari ay nasa Italy,’’ sabi ni Anto.

“Pero ngayon ka lang ba nakarating sa lugar na kinaroroonan ng bahay na ‘yun, Anto?’’

“Oo. Ngayon ko nga lang nalaman na may bahay pala roon. Kasi medyo looban na ang lugar na ‘yun.’’

“Kaya hindi mo kilala kung sino ang nakatira roon?’’

“Oo. Dito kasi sa Maragooc ay marami na rin ang dayo. Kaya ang sinasabi mong Bianca ay baka dayo rito. Kasi ang mga babae rito, ang pangalan ay mga Tagalog --- Mahinhin, Marilag, Mayumi, Maganda at iba pang Tagalog na pangalan.’’

Napatango si Robert. Pero bakas sa mukha ang panghihinayang na hindi nakita ang babae sa bahay.

“Kailan kaya mag­kakaroon ng tao sa bahay na iyon, Anto?’’

“E di puntahan uli natin bukas. A teka huwag bukas at meron pala akong gagawin. Sa Linggo na lang ng umaga. Kung Linggo kasi, lahat nang tao rito ay nasa bahay dahil nagpapahinga.’’

“Sige, Anto.’’

(Itutuloy)

comments powered by Disqus

mofuse.com