Sa piling ng kalapati (16)

By Ronnie M. Halos

INALALAYAN ni Ruth si Mommy Donna hanggang sa kuwarto. Inihiga sa kama.

‘‘Papalitan kita ng damit, baka basa yang likuran mo,’’ sabi ni Ruth at kumuha ng bagong bihisan at panty sa cabinet.

Hinubad niya ang pang-itaas ng ina-inahan. Tinanggal ang bra.

“Basa nga ang likod mo,’’ sabi at agad ipinalit ang maluwang na t-shirt. Kasunod na hinubad ang palda nito. Isinunod ang panty. Sanay na sanay na si Ruth sa pagbibihis sa ina-inahan.

Hindi na niya sinuutan ng pang-ibaba. Tama na ang panty dahil mahaba at maluwang naman ang t-shirt.

Pagkatapos ay kinumutan hanggang tiyan.

Sinalat ang noo.

“Ang init mo Mommy! Ang taas siguro ng lagnat mo. Kukunan kita ng temperature,’’ at kinuha nito ang thermometer sa kahon ng table. Isinuksok sa kilikili ni Mommy Donna.

Maya-maya inalis at nakuha na ang temperature.

“Ang taas nga! Pupunasan kita para bumaba ang lagnat.’’

Tumango.

“Lalagyan ko ng alcohol ang maligamgam na tubig para mabilis bumaba ang lagnat.’’

Tumango.

Nagpainit ng tubig si Ruth. Inihanda ang bimpo at alcohol. Habang hinihintay na uminit ang tubig ay nag-iisip siya kung ano ang ipakakain sa ina-inahan. Narinig niya, masarap ang mainit na sabaw sa may-sakit. Magtitinola siya. May ilang piraso pa ng breast chicken sa ref. Paborito naman iyon ng Mommy niya.

Habang pinupunasan ang ina-inahan at napagmasdan ito ni Ruth. Maganda ang mommy niya. Kapag naayusan ay lumulutang ang ganda. Pero kahit kailan, hindi malinaw sa kanya ang istorya ng buhay ng ina-inahan. Nahihiya naman siyang magtanong dito. Hindi niya ugaling mag-urira.

Pero may pagkakataong gusto rin niyang malaman ang kuwento ng buhay ni Mommy Donna.

(Itutuloy)

comments powered by Disqus

mofuse.com