Sa Piling ng Kalapati (44)

By Ronnie M. Halos

“LITUNG-LITO ako makaraang ipagtabuyan ng kapatid kong babae. Ang sakit ng mga sinabi niya pero wala akong lakas ng loob na makapagsalita. May katotohanan naman kasi ang kanyang sinabi na natiis kong hindi makita sina Itay at Inay. Namatay ang mga ito at hindi man lang ako nagsikap makauwi.

“Magpaliwanag man ako, hindi rin niya paniniwalaan dahil galit ang nangingi­babaw. Ang nasa isip niya, kinalimutan ko ang aming mga magulang mula nang ma­kapag-asawa ng Hapones. Ang hindi niya alam, kalbaryo ang dinanas ko mula nang mapangasawa si Toshi. Ang hindi alam ng kapatid ko, nagsisisi ako sa ginawang pagpapakasal kay Toshi…”

Tumigil si Mommy Donna. Huminga.

Nagsalita si Ruth.

“Bakit hindi mo sinabi ang totoo ukol sa Toshi na yun Mommy. Sana e nagsalita ka at nang nalaman ng sister mo.’’

“Maski nga magsalita ako, hindi rin niya paniniwalaan dahil galit ang nasa dibdib niya. Ang nakikita niya ay ang kamalian ko at hindi na siya naniniwala. Parang wala na siyang nakikitang katwiran.’’

Napailing-iling si Ruth. Galit ang nararamdaman niya sa kapatid ni Mommy Donna.

“Pero di ba Mommy, nung kalakasan pa ang kita mo sa Japan ay malaki ang naipadadala mo. Di ba sabi mo, naibili mo ng bahay at lupa ang parents mo. Sabi mo pa nakabili ka ng ari-arian. Nakinabang din nang malaki ang sister mo ah. Bakit ganun ang ipinakita sa’yo? Napaka-walang utang na loob ng sister mo!’’

Hindi nakapagsalita si Mommy Donna. Mukhang naliwanagan sa sinabi ni Ruth. Totoo iyon. Marami siyang naipadalang tulong sa kanyang magulang at sa kapatid.

Hanggang sa muli na naman siyang napaiyak sa tagpong iyon. Hindi na naalala ng kanyang kapatid ang ginawang pagpapakahirap sa Japan para lang may maipadala. Nawalan ng saysay ang pagpapakahirap niya.

Muli siyang niyakap ni Ruth.

“Kawawa ka naman Mommy.’’

Namagitan sa kanila ang katahimikan.

Hanggang sa ipagpa-tuloy ni Mommy Donna ang pagkukuwento.

May masama pa palang balita na malalaman siya nang tawagan si Toshi. Tungkol sa kanilang anak na si Keiko ang dahilan.

Pakiramdam ni Mommy Donna, gumuho ang mundo sa kanya!

(Itutuloy)

comments powered by Disqus

mofuse.com