Sa Piling ng Kalapati (46)

By Ronnie M. Halos

MARAMI pang ikinuwento si Mommy Donna kay Ruth ukol kay Toshi. Masamang-masama ang loob ni Mommy sa Hapones. Niloko siya. Pi­naasa. At ang masaklap pa, may nangyari sa kani­lang anak.

“Hindi ako naniniwa­lang patay ang aking anak. Sinabi lamang iyon pero ang totoo, buhay ito. Ang lusog ng baby ko kaya paano ito mamamatay? Gusto lang nilang paniwalain ako na patay na si Keiko para hindi na ako maghabol pa at tumigil na sa pagtawag kay Toshi. At alam ko, ang mga walanghiyang magulang ni Toshi ang nasa likod ng lahat. Gusto nilang mawala ako sa pi­ling ni Toshi. Napakasakit  nang ginawa nila. Sana, hinayaan na lang nila ang anak ko na sumama sa akin at sa kanila na ang anak nila. Ang anak ko lang ang ma­halaga sa akin.

“Dahil wala na akong aasahan pa kay Toshi, at tinakwil na rin ako ng kapatid ko, pinilit kong mamuhay. Nangupahan ako sa isang maliit na kuwarto. Ginamit ko ang natitira kong pera para makapagsimula. Pero hindi pa rin ako sumusuko na balang araw ay makakabalik ako sa Japan at humanda sa akin ang Toshi na yun. Ngayon pang mayroon na akong karanasan at alam ko na ang pasikut-sikot sa Osaka, kayang-kaya ko siyang hanapin.

“Balak ko uli na maging Japayuki. Hindi pa naman lumilipas ang ganda ko noon. Marami pa rin akong mabibighani. Maaari pa akong kumita ng lapad.’’

(Itutuloy)

comments powered by Disqus

mofuse.com