Sa Piling ng Kalapati (99)

By Ronnie M. Halos

PERO si Ruth na rin ang bumawi sa naunang plano na ipanawagan sa TV si Keiko. Hindi angkop para ipanawagan sapagkat hindi naman nawala si Keiko kundi nasa piling ng ama nito sa Japan. At isa pa, hindi sila sure kung buhay o patay si Keiko. Walang makapagsabi sa kanila.

“Huwag sa TV Mommy. Hindi angkop ang kaso ni Keiko para ipanawagan.’’

“E saan Ruth? Pa­ano? Anong gagawin natin?’’

“Relaks lang Mommy. Mag-iisip ako ng paraan. Makakahanap din tayo ng solusyon sa problema mo. Wait ka lang, okey?’’

“Salamat Ruth.’’

“Palagay ko yung taong naghahanap sa’yo ay may kaugnayan sa anak mong si Keiko. Yan ang hula ko, Mommy. Kasi, hindi mag-aaksaya ng panahon ang lalaking iyon na hanapin ka kung walang malaking dahilan.’’

“’Yan nga ang naiisip ko di ba? ‘Yung naghaha­nap sa akin na Japanese ay palagay ko representative ni Toshi. Pilit inaalam ang tirahan ko at buong pangalan para ireport kay Toshi.’’

“’Pero bakit hindi na lang yung Toshi na yun ang magpunta rito sa Pinas at personal kang ha­napin.’’

“Maaaring may problema sa visa. Hindi naman lahat ng Japanese, ura-urada makakapunta rito.’’

Napatangu-tango si Ruth.

 

ISANG araw, may sinabi si Ruth kay Mommy Donna. May kaugnayan sa paghahanap kay Keiko.

“I-search natin sa FB si Keiko, Mommy Donna. Magbakasakali tayo. Malay mo matsambahan natin.’’

“Ikaw ang bahala, Ruth.’’            (Itutuloy)

comments powered by Disqus

mofuse.com