Sa Piling ng Kalapati (19)

By Ronnie M. Halos

“SA ginawa mo sa aking­ pagkupkop, Mommy, ha­bambuhay kong tata­nawing utang na loob iyon. Iyon ang dahilan kaya mahal na mahal ko ikaw. Mas mahal pa nga kita kaysa tunay kong ina,” sabi ni Ruth.

Nakatingin lang si Mommy Donna. Nangilid ang luha sa dalawang mata.

“Kaya nga ang gusto ko sana ay magtrabaho na para tumigil ka na sa “trabaho” mo. Kahit nga sa fast food chain ay gusto ko nang mag-apply para ako naman ang magpapakain sa’yo. Marami na akong utang sa’yo.’’

“Sabi ko naman sa’yo tapusin mo na muna ang pag-aaral mo. Isang sem ka na lang di ba? Tapusin mo na. Kaya ko pa, Ruth.’’

“Kapag nakikita kitang nahihirapan na e gusto ko nang tumigil. Baka kung ano pa ang mangyari sa’yo.’’

“Walang mangyayari sa akin, Ruth. Basta magtapos ka. Para naman mayroon akong maipagmalaki na nakapagpatapos ako ng pag-aaral.’’

Tumango si Ruth.

“Kapag nakatapos ka na, saka ka maghanap ng trabaho. Hindi sa fast food ka babagsak kundi sa magandang opisina na malaki ang suweldo. Matalino ka kaya alam kong maganda ang pupuntahan mo. Kapag may trabaho  ka na saka ako magpapahinga.’’

Pinisil ni Ruth ang palad ng ina-inahan.

“Hayaan mo Mommy, hindi ka mabibigo. Pa­ngako.’’

 

NAGPATULOY sa pag-aaral si Ruth. Mataas ang expectations sa kanya ni Mommy Donna. Hindi niya ito bibiguin. Pagbubutihin pa niya ang pag-aaral.

(Itutuloy)

comments powered by Disqus

mofuse.com