Nunal (65)

By Ronnie M. Halos

“BAKA may problema ka Mahinhin, handa akong tumulong,” sabi ni Ro­bert. “Ngayon ka pa ba maglilihim sa akin na marami na akong nalaman ukol sa ‘yo. Sabihin mo sa akin, Mahinhin.’’

“Wala akong problema, Robert. Yung pakiusap ko lang sa’yo ukol kay Bighani ang gusto kong ipakiusap, huwag mo siyang pababayaan in case may mangyari at huwag mo sanang ikuwento sa kanya ang nangyari sa akin sa Maynila.’’

Si Robert naman ang napahinga nang mala­lim. Nahihiwagaan siya sa ikinikilos ni Mahinhin. Parang may itinatago sa kanya. Bakit laging pinagbibilin sa kanya si Bighani? Mukhang mayroon pang lihim si Mahinhin at ayaw lang magtapat.

Nagpasya si Robert na iwan muna si Mahinhin para makapag-isip ito. Baka kailangang mag-isa muna. Saka na lamang siya babalik.

“Aalis na ako, Mahinhin. Babalik na lang ako kapag nakapag-isip ka.’’

“Sorry Robert.’’

“Okey lang.’’

“Puwede maging magkaibigan na lang tayo?’’

Hindi sumagot si Ro­bert. Ayaw niyang maging kaibigan lang si Mahinhin. Gusto niya, maging ka­sama ito habambuhay.

Umalis na siya. Hindi na siya lumingon pa para makita si Mahinhin. Pero  babalik siya para muling magtapat kay Mahinhin. Hindi siya susuko.

NAGULAT si Anto nang makita siya.

“Bakit malungkot ka yata. Di ba dapat masaya ka dahil natagpuan mo na si Mahinhin alyas Bianca?’’

“Dapat nga Anto pero tinapat ako ni Mahinhin na maging magkaibigan na lang daw kami.’’

“Bakit daw?’’

“Hindi raw siya bagay sa akin.’’

“Parang sa drama sa radyo ko lang naririnig yan.’’

Napangiti si Robert.

“Hindi ko maintindihan si Mahinhin, Anto.’’

“Huwag kang susuko. Balikan mo. Baka tinites­ting ka lang nun.’’

Nag-isip si Robert.

Hanggang may naaalala.

Nalimutan niyang dalhin ang painting nito! Yung obra!              (Itutuloy)

comments powered by Disqus

mofuse.com