Sa Piling ng Kalapati(98)

By Ronnie M. Halos

“KAPAG lagi mo raw napa­panaginipan ang isang tao, malaki ang posibilidad na magkatotoo ang mga iniisip mo sa kanya. Ano sa palagay mo Ruth? Kasi kaninang naidlip ako diyan sa sopa, ang linaw ng panaginip ko kay Keiko. Dalagang-dalaga siya. Ang ganda-ganda niya, Singkit ang mga mata, matangos ang ilong at mahaba ang buhok. Ang bait-bait daw niya. Nang magising ako, namamasa-masa sa luha ang mga mata ko.’’

‘‘Posibleng mangyari iyon Mommy. Pero puwede rin na kaya lagi mong napapanaginipan si Keiko ay dahil dun sa misteryosong lalaki na naghahanap sa iyo. Naguguluhan ka kung sino nga ba ang lalaking iyon na hanap nang hanap sa iyo pero wala kang mabatid ukol sa kanya. Naiisip mo na maaaring si Toshi ang naghahanap sa’yo.’’

“Parang ganun nga ang naiisip ko Ruth. Pero malakas ang kutob ko talaga na buhay si Keiko.’’

“Sige, paniwalain mo ang iyong sarili. Malaki ang ma­itutulong niyan kasi positibo ka na buhay nga si Keiko. Kapag laging positibo ang iniisip, tiyak na positibo rin ang kahihinatnan.”

ISANG araw na walang pasok si Ruth, bigla siyang may sinabi kay Mommy Donna na ikinagulat naman ng ina-inahan.

“Parang gusto ko nang maniwala sa sinabi mo Mommy tungkol kay Keiko.’’

‘‘Bakit ?’’

‘‘E napana­ginipan ko rin kagabi. Naka­upo raw siya sa sopa. Napakaganda niya. Singkit ang mga mata, mahaba ang buhok, manipis ang labi na ka­tulad ng labi mo, matangos ang ilong at mukhang mabait.’’

Napaiyak si Mommy Donna. Humagulgol.

“Sabi ko na nga ba at iiyak ka na naman. Panagi­nip pa lang ‘yan  e paano kung bigla na lamang siyang dumating.’’

Humikbi si Mommy Donna.

Maya-maya, nang mahimasmasan ay yumakap sa anak-anakan.

“Ruth paano natin maki­kita si Keiko? Tulu­ngan mo ako. Nakita na natin ang kapatid ko, ito namang anak ko ang hanapin natin.’’

“Idulog natin sa TV. Ipanawagan natin na mayroon kang naiwang anak sa Japan. Baka may nakakakilala kay Keiko.’’

Nag-isip si Mommy Donna. Bakit nga ba hindi? Bakasakali. Baka may nakakakilala kay Keiko.

(Itutuloy)

comments powered by Disqus

mofuse.com