Nunal (126)

By Ronnie M. Halos

SA bahay ng isang ka­ibigan na nasa liblib na lugar itinira ni Mahinhin ang kapatid na si Bighani. Mahirap matunton sa lugar na iyon si Bighani sapagkat nasa bundok na. Isang oras silang naglakad para marating ang lugar.

Umiyak si Bighani nang makita si Mahinhin. Mahigpit na niyakap.

“Akala ko hindi na tayo magkikita Ate,” sabi habang nakayakap kay Mahinhin.

“Bakit naman?’’

“Kasi’y hindi ka na nagbalik mula nang iwan mo ako rito. Iniisip ko na na may masamang nangyari sa’yo.’’

“Mahirap kung pupuntahan kita rito. Baka masundan ako ng mga tauhan ni Tsekwa.’’

“Saan ka ba tumira?”
“Sa bahay natin – sa basement. Dun ako natagpuan ni Robert.’’

“E ang mga humahabol sa atin, nasaan na sila?’’

“Nahuli na sila. Hindi na sila makakalabas. Mabubulok sila sa bilangguan.’’

“Wala nang magtatangka sa atin?’’

“Wala na. At alam mo ba Bighani, dahil sa pagsusuplong ko kay Tsekwa, ang reward na nakapatong sa ulo niya ay sa akin ibibigay. Malaki ang reward – milyon.’’

“Talaga Ate? Nagkaroon pala ng saysay ang paglaban mo sa taong yun.’’

“Oo. Pero malaki ang utang na loob ko kay Robert. Hindi ako iniwan. Kaya alam mo, Bighani, pakakasal na kami. Hindi na namin hahayaang mag­kawalay pa kami.’’

“Dapat na nga siguro Ate para naman lumigaya ka na sa piling ni Robert.’’

(Itutuloy)

comments powered by Disqus

mofuse.com