Nunal (67)

By Ronnie M. Halos

NAKASAAD sa sulat:“Dear Robert, umalis kami ni Bighani. Hindi ko maaaring sabihin kung saan kami pupunta. Ikaw na ang bahala sa pain-tings ko. Ingatan mo ang self-portrait ko. Salamat.

--Mahinhin’’.

Nag-isip nang malalim si Robert pagkara-ang mabasa ang sulat. Napahinga nang malalim. Naisip niya, maaaring may malaking problema si Mahinhin kaya nagpasyang umalis. Iyon ang dahilan kaya tila pabagu-bago ang desisyon nito. Problemado si Mahinhin kaya pati na ang pagtatapat niya ng pag-ibig dito ay apektado. May kinatatakutan din ito kaya pati si Bighani ay ipinagbilin sa kanya. Kung anuman daw ang mangyari sa kanya ay huwag pababayaan si Bighani.

“May problema ba Robert?’’ tanong ni Anto na nasa kanyang likuran.

“Umalis sila, Anto. Ako na raw ang bahala sa pain-tings niya. Hindi sinabi kung saan pupunta. Palagay ko may problema nga si Mahinhin.’’

“Di ba ‘yan din ang hula ko kahapon. Maaaring may problema si Mahinhin dahil sabi mo pabagu-bago ng desisyon.’’

“Ano kayang problema yun at kailangan pa nilang umalis. Para bang nagta­tago sila, Anton.’’

“Baka may nagbabanta sa buhay?’’

“Sino naman ang magbabanta?’’

Napailing-iling si Anton.

“Ang mabuti pa, sundin mo na lang ang mga sinabi niya. Saka mo na lang problemahin kung bakit sila umalis.’’

“Bukas luluwas na ako ng Maynila. Dadalhin ko ang mga painting ni Mahinhin. Mas mabuti roon para maalagaan ang mga obra niya.’’

“Mabuti pa nga.’’

“Tulungan mo ako Anto na mailagay sa mga kahon ang paintings. Kailangang maingatan ko ang mga ‘yan.’’

“Sige. Bukas ng umaga, ihahatid kita sa terminal para maaga ka ring makarating sa Maynila.’’

“Salamat sa tulong mo Anto. Babalikan kita rito. Aayusin ko lang ang mga painting ni Mahinhin.’’

(Itutuloy)

comments powered by Disqus

mofuse.com