Sa Piling ng Kalapati (40)

By Ronnie M. Halos

NAGPATULOY si Mommy Donna sa pagkukuwento kay Ruth sa naging relas­yon nito sa Hapones na si Toshi. Bakas na bakas sa tinig ni Mommy Donna ang pagsisisi kung bakit pumasok sa isang relas­yon na sana ay naiwasan niya kung nakinig lamang sa mga kaibigan.

‘‘Hindi ako nakinig sa mga payo ng kaibigan at kakilala na huwag makipagrelasyon kay Toshi. Mag-isip daw akong mabuti. Huwag daw akong padalus-dalos sa pakikipagrelasyon.

‘‘Pero hindi ako nakinig sa kanila. Matigas ang ulo ko. Ayaw kong pinakikialaman sa mga desisyon. At saka bakit ako makikinig e ako ang may katawan at makikisama kay Toshi. Problema ko na kung anuman ang mangyari sa akin. Basta susundin ko ang sinasabi ng puso ko at wala silang pakialam.

“Nagsama kami ni Toshi. Mabait naman siya noong una. Naging maligaya kami sa pagsasama. Ipinakilala ako sa mga magulang niya. Okey naman sila. Sabi ko sa sarili, nagkamali ang mga nagsabing kalbaryo ang daranasin ko kay Toshi. Siguro’y naiinggit lang sila sa akin dahil bukod sa guwapo na ay mayaman pa si Toshi. Hindi sila makatisod ng katulad ni Toshi.

‘‘Pero habang tumatagal ang pagsasama namin ni Toshi ay nakikitaan ko na siya ng kakaibang ugali. Nagbabago na siya. Hindi na niya ako pinahahawak ng pera gayung dati ay galanteng-galante siya. Biglang nagbago ang pakikitungo niya.

‘‘Hanggang sa ipasya niyang sa bahay na ng kanyang mga magulang kami tumira. Wala  akong magawa. Naging sunud-sunuran na lamang ako sa lahat nang gustuhin niya. Ang nasa isip ko, basta susunod na lamang ako sa kanya para walang problema ang aming pagsasama.

‘‘Hanggang sa magbuntis ako. Ang kasunod pala niyon ay mabibigat pang problema. Hindi ko ina­asahan na ganun ang mangyayari. Para bang na­kaplano ang lahat...’’ (Itutuloy)

comments powered by Disqus

mofuse.com