Sa Piling ng Kalapati(93)

By Ronnie M. Halos

IKINUWENTO ni Mommy Donna kay Dahlia ang mga nangyari sa kanya sa Japan kaya hindi ito nakauwi nang mamatay ang kanilang mga magulang.

Hindi makapaniwala si Dahlia sa mga nangyari kay Donna. Lalo siyang nakonsensiya sapagkat hinusgahan agad noon si Donna kahit hindi pa nito lubos na nalalaman ang mga pangyayari.

“Kinawawa ka pala Donna. Hindi pala ako dapat nagalit sa iyo.’’

“Nauunawaan naman kita Dahlia. Wala na sa akin yun.’’

“Ano kaya ang nangyari sa anak mo – kay Keiko?’’

“Malakas ang kutob­ ko na buhay siya at sinabi lamang ni Toshi na namatay ito para hindi na ako maghabol pa.’’

“Napakawalanghiya ng Hapones na yun!’’

“Ang isa pang pinagta­taka ko, mayroong Ha­pones na naghahanap sa akin at ang kutob ko si Toshi iyon.’’

“Bakit ka kaya hinaha­nap?’’

“Naguguluhan nga ako Dahlia. Kaya nga ma­lakas ang kutob ko na buhay si Keiko.’’

“Kung buhay si Keiko, ano ang balak mo?’’

“Hindi ko pa alam ang gagawin, Dahlia. Pero kung buhay siya, matu­tuwa ako. Magkakaroon kami tiyak ng komunikas­yon sa hina­harap.’’

“Sana nga ay buhay siya. Ano kaya ang hitsura niya?’’

“Maganda siya Dah­lia.’’

“Mga anong age na niya ngayon?’’

“Matanda lang siya ng isang taon kay Ruth – mga 22 o 23 na siya.’’

“Sana buhay ang pamangkin ko!’’

Kinahapunan, nagpa­alam na sina Donna at Ruth sa mag-asawang Dahlia at Roger.

“Dalawin n’yo uli kami rito, Donna, Ruth.’’

“Oo. Sa isang linggo narito uli kami.’’

Hinalikan ni Donna si Dahlia. Ganundin ang ginawa ni Ruth. Umalis na sila. (Itutuloy)

comments powered by Disqus

mofuse.com