Nunal (124)

By Ronnie M. Halos

NAGPIPIGLAS si Tsekwa sa pagkakahawak ng dalawang PDEA agents. Hinahatak siya. Balak niyang magbalik sa basement pero masyadong malakas ang dalawang agents. Agad siyang pinosasan at dinala sa di-kalayuan.

Dalawang agents pa ang nag-abang sa bu­nganga ng basement. Alam nilang naroon pa ang dalawang tauhan ni Tsekwa.

Pagsungaw ng ulo ng isa sa mga tauhan, di­nakma ito. Ganundin ang ginawa sa isa pa. Pinosasan ang mga ito.

Iniharap naman si Tsekwa kina Mahinhin at Robert.

Kinilala ni Mahinhin si Tsekwa.

“Siya po ang drug lord. Siya ang nasa CD na hawak n’yo. Kilalang-kilala ko siya dahil sa kanyang peklat sa mukha.’’

Galit na galit si Tsekwa kay Mahinhin at sinugod ito kahit nakaposas. Pero maagap si Robert na naprotektahan si Mahinhin. Sinalag niya ang akmang pagsuntok ni Tsekwa at siya naman ang umunday ng suntok dito. Sapol sa pisnging may peklat si Tsekwa. Agad na inawat si Robert ng dalawan agents.

Napayakap si Mahinhin kay Robert. Umiyak ito.

Hinimas-himas ni Ro­bert ang likod ni Mahinhin.

“Tahan na. Tapos na ang problema. Mabubulok sa bilangguan ang Tsek­wang ‘yan!’’

Maya-maya pa, dinala na sa mobile car si Tsekwa at ang dalawa pang suspect.

Kinausap ng hepe ng PDEA si Mahinhin.

“May tatanggapin kang reward Mahinhin dahil sa ginawa mo. Malaking sindikato ang nagiba dahil sa iyo.’’

“Salamat po Sir.’’

“Ipatatawag ka na lang namin, okey?’’

“Okey Sir.’’

(Itutuloy)

comments powered by Disqus

mofuse.com