Sa Piling ng Kalapati(100)

By Ronnie M. Halos

SINUNOD ni Mommy Donna ang payo ni Ruth. Hanapin sa Facebook si Keiko. Maraming pangalang Keiko sa FB pero wala roon ang kanyang anak. Inisa-isa niya ang lahat nang may pangalang Keiko pero napudpod lamang ang daliri niya sa kapipindot ay wala siyang nakita. Karamihan ay mga Japanese characters ang nakasulat at hindi naman niya alam basahin. Marunong siyang magsa­lita ng Japanese pero hindi marunong magbasa.

Napagod na siya at ipinasyang itigil ang pagha­hanap.

Nang dumating si Ruth nang gabing iyon, ang pag­hahanap kay Keiko ang itinanong.

“May na-search ka ng Keiko, Mommy?’’

“Marami pero wala roon ang anak ko. Napagod na ako sa kapipindot.’’

“Baka naman mali ang apelyido?’’

“Hindi. Sigurado ako.’’

“Pag may time ako, tulu­ngan kitang mag-search.’’

“Salamat Ruth.’’

“Malalaman din natin ang lahat. Pagtitiyagaan lang na­ting maghanap. Gaya nang paghahanap natin sa kapatid mong si Tita Dahlia. Sino ba ang mag-aakala na magkikita pa kayo. Ganyan din ang mangyayari sa paghahanap natin sa anak mong si Keiko.’’

“Hanapin natin siya, Ruth.’’

“Oo. Gagawa ako ng pa­raan. Huwag kang mawawalan ng pag-asa, Mommy.’’

Huminga nang malalim si Mommy Donna.

“Palagay ko kapag na-solb natin ang problemang ito, lubos na ang kaligayahan mo Mommy.’’

“Oo, Ruth. Wala na akong mahihiling pa.’’

“Gagawin ko ang lahat para magkaroon ng kontak sa anak mong si Keiko.’’

Napaiyak na si Mommy Donna.

“Huwag kang umiyak, Mommy.’’

“Hindi ko kasi mapigilan.’’

“Pati ako naiiyak din.’’

ISANG linggo ang lumipas, may liwanag nang nakita ang dalawa. Buhay si Keiko!

(Itutuloy)

comments powered by Disqus

mofuse.com