Foton, Cignal HD ikakasa ang semis

By Francisco Cagape

Laro Ngayon (FilOil Flying V Arena,  San Juan City)

4:15 p.m. Foton vs Sta. Lucia

7 p.m. Cignal HD vs Cocolife 

MANILA, Philippines — Hangad ng nagdedepensang Foton at No. 4 seed Cignal HD na masungkit ang huling dalawang semifinal slots sa kanilang magkahiwalay na knockout quarterfinals match ngayon sa 2017 Chooks to Go-Philippine Superliga (PSL) Grand Prix sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.

Haharapin ng No. 3 seed Foton ang malakas ding Sta. Lucia Lady Realtors sa alas-4:15 ng hapon at susunod agad ang labanan ng HD Lady Spi­kers kontra sa No. 5 seed Cocolife Asset Managers sa alas-7 ng gabi.

Ang mananalo sa Foton at Sta. Lucia ay ha­harap sa Petron Blaze Spikers sa one-game semifinals battle habang ang magwawagi sa pagtatagpo ng HD Lady Spikers at Cocolife Asset Managers ay lalaban naman sa F2 Logistics sa isa pang semis match sa Sabado sa Mall of Asia Arena.

Nasungkit ng F2 Cargo Movers ang unang semis slot sa pamamagitan ng straight sets panalo laban sa  No. 8 Iriga City , 25-19, 25-12, 25-17 panalo noong Martes habang dumaan muna sa butas ng kara­yom ang Petron Spikers bago napatalsik ang Generika-Ayala, 19-25, 25-22, 22-25, 25-17, 15-11 sa magkahiwalay na quarterfinal matches noong Martes.

Sa kanilang paghaharap sa single round elimination, dinurog ng Foton ang sta. Lucia sa tatlong sets lamang, 25-16, 25-11, 25-16 noong Nobyembre 18 kaya paboritong magwagi ang tropa ni coach Moro Branislav na hangad ang ikatlong sunod na Grand Prix crown.

Asahan ang mainit na engkuwentro ng HD Spi­kers at Asset Managers sa season-ending conference.

Sa una nilang pagtatagpo, naka-eskapo ang Cocolife laban sa HD Lady Spikers sa mainit na five-sets, 19-25, 24-26, 27-25, 25-16, 15-9  sa elimination round noong Nobyembre 4 kaya siguradong babawi ang Asset Managers ni coach  George Pascua.

Ngunit, patuloy na hindi makakalaro ang top players na sina Jovelyn Gonzaga at Rachel Anne Daquis. Si Gonzaga ay nagkaroon ng injury sa kanang tuhod habang si Daquis ay na-diagnosed na mayroong dengue.

comments powered by Disqus

mofuse.com