Arellano booters dumikit sa titulo

By Chris Co

MANILA, Philippines — Naitakas ng Arellano University ang 3-2 panalo laban sa College of Saint Benilde upang makalapit sa inaasam na kampeonato sa NCAA Season 93 seniors football tournament na ginaganap sa Rizal Memorial Football Stadium sa Malate, Manila.

Isinalpak ni Jumbel Guinabang, miyembro ng Under-19 national team na naglaro sa ASEAN Football Federation Championship sa Vietnam, ang game-winning goal sa extra time para kubrahin ng Chiefs ang 1-0 kalamangan sa best-of-three championship series.

Nauna nang umiskor ng goal si Guinabang sa ikatlong minuto ng laro subalit agad itong naitabla ng Blazers nang kumana naman si Daniel Lozio ng sariling goal sa ikaapat na minuto.

Muling nakuha ng Arellano ang 2-1 kalamangan mula sa umaatikabong goal ni Charles Gamutan ngunit hindi agad sumuko ang Benilde matapos itong sagutin ni Renz Tulayba ng isa pang goal para muling maitabla ang iskor sa 2-2 sa halftime.

Matinding depensa ang inilatag ng dalawang koponan sa second half dahilan para walang makapuntos at mauwi sa extra time ang bakbakan.

Nakalusot si Guina­bang sa depensa ng Bla­zers para hatawin ang winning goal ng Arellano.

Susubukan ng Chiefs na tapusin na ang serye sa paglarga ng Game 2 bukas sa parehong venue.

Target ng Arellano na makuha ang ikalawang kampeonato matapos kunin ang kanilang unang titulo may dalawang seasons na ang nakalilipas.

Sa juniors, iginupo ng nag­dedepensang San Beda ang CSB-La Salle Greenhills, 2-1 para ma­kuha ang 1-0 bentahe sa kanilang sariling finals series.

comments powered by Disqus

mofuse.com