San Miguel lalapit sa ‘twice-to-beat’ incentive

By Russell Cadayona

Laro Ngayon (Cuneta Astrodome)

4:30 p.m. San Miguel vs Blackwater

7 p.m. NLEX vs Meralco

MANILA, Philippines — Alam ni coach Leo Austria ng nagdedepensang San Miguel ang kahalagahan ng kanilang huling tatlong laro sa elimination round para sa tsansang makamit ang isa sa dalawang 'twice-to-beat' incentive sa eight-team quarterfinals cast ng 2018 PBA Philippine Cup.

Nakatakdang labanan ng Beermen ang mapanga­nib na Blackwater Elite ngayong alas-4:30 ng hapon ka­sunod ang paghaharap ng NLEX Road Warriors at Meralco Bolts sa alas-7 ng gabi sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.

Naisip na ni Austria ang senaryo sakaling manaig ang San Miguel laban sa Blackwater at Alaska sa susunod na Sabado sa Batangas City.

“Kapag nanalo kami sa Blackwater and then Alaska then malamang na nasa top two na kami,” sabi ni Austria sa kanyang Beermen na kasalukuyang bitbit ang 6-1 record kasunod ang Magnolia (6-2) at Alaska (6-2).

Ang top two teams matapos ang eliminasyon ang magkakaroon ng 'twice-to-beat' advantage laban sa No. 8 at 7 teams sa quarterfinals, habang sasagupain ng No. 3 ang No. 6 at makakaharap ng No. 4 ang No. 5 sa crossover best-of-three series.

Ayon kay Austria, alam ng Elite ni mentor Leo Isaac kung paano depensahan ang isang higanteng kagaya ni 6-foot-10 at four-time PBA MVP June Mar Fajardo, na­ngunguna sa torneo sa scoring (25.7), rebounding (13.1) at field goal percentage (66.7%).

Ipinakita ito ng Blackwater nang pabagsakin sina se­ven-foot center Greg Slaughter at 6'8 wingman Japeth Aguilar at ang Barangay Ginebra, 94-77, noong Enero 12.

“They know how to play a team with a dominant big man,” ani Austria sa Elite na ipaparada sina 6'8 JP Erram, nagposte ng league-leading na 3.4 blocks per game, Mac Belo, Allein Maliksi, Raymar Jose at Mike Digregorio.

Sa ikalawang laro, puwersado naman ang Meralco na talunin ang NLEX para sa tsansang makasama sa quarterfinals.

“I don't have much to say that's not obvious. It's important that we play with energy and a sense of urgency and do whatever it takes to get a win,” sabi ni one-time PBA Grand Slam champion coach Norman Black sa kanyang Bolts.

comments powered by Disqus

mofuse.com