Blazers pinatalsik ang Red Booters

MANILA, Philippines — Hinubaran ng korona ng College of Saint Benilde ang San Beda College sa pamamagitan ng 1-0 panalo sa kanilang semis rubber match upang masungkit ang huling tiket sa finals ng NCAA Season 93 seniors football tournament na ginanap sa Rizal Memorial Football Stadium sa Malate, Manila.

Sumandal ang Blazers sa matikas na laro ni subs­titute Wilmer Paolo Lopez para tuluyang tuldukan ang pag-asa ng Red Booters.

Pumasok si Lopez sa ika-30 minuto para palitan si Peter John Quilo.

Naging matiyaga ang Benilde sa buong panahon ng laban bago itinarak ni Lopez ang umaatikabong goal sa ika-85 minuto na siyang nagdala sa kanilang tropa sa best-of-three finals.

Makakasagupa ng Be­nilde ang Arellano University na nauna nang umusad sa finals matapos patumbahin ang Lyceum of the Philippines University, 3-1 sa hiwalay na semis match noong Lunes.

Puntirya ng Blazers na masikwat ang ikatlong kabuuang korona at kanilang unang kampeonato sapul nang magkampeon ito may siyam na seasons na ang nakalilipas.

 Nakatakda ang Game 1 ng finals sa pagitan ng Benilde at Arellano sa alas-6 ng gabi ngayong araw habang lalaruin ang Game 2 sa Lunes sa parehong venue.

Kung aabot sa Game 3, nakatakda ito sa Miyerkules. (CCo)

comments powered by Disqus

mofuse.com