SBC, St. Benilde jins kampeon

MANILA, Philippines — Napasakamay ng San Beda College ang kampeo­nato sa men’s division habang nagreyna naman ang College of St. Benilde sa women’s class sa pagtatapos ng NCAA Season 93 taekwondo competition na ginanap sa Colegio de San Juan de Letran Gymnasium sa Intramuros, Manila.

Humakot ang Red Lions ng 91 puntos para masungkit ang kanilang ika-10 korona.

Bumandera sa ratsada ng San Beda si Abram Lance Cuvinar na siyang umangkin sa gintong me­dalya sa men’s heavyweight division at tanghaling Most Valuable Player sa kanyang kategorya.

Pumangalawa ang Knights na umani ng 64 puntos kasunod sa ikatlo ang Blazers na naglista naman ng 52 puntos.

Ibinulsa naman ng Benilde ang ikatlong sunod na korona sa women’s division sa likod ni season MVP Noelyn Rose Campos na siyang nakakuha ng gintong medalya sa flyweight class.

Sa juniors division, ibinulsa ng Arellano ang kampeonato matapos humakot ng 131 puntos para ilampaso ang San Beda na may 71 puntos para sa ikalawang puwesto at San Sebastian na kumana ng 48 puntos para sa ikatlo.

comments powered by Disqus

mofuse.com