Frayna nalasap ang ikatlong sunod na kamalasan sa Zeeland Open

MANILA, Philippines -  Matapos magtala ng apat na sunod na panalo ay na­lasap ni Filipina Woman Grand Master Janelle Mae Frayna ang kanyang ikatlong dikit na kamalasan.

Natalo si Frayna kay Dutch Eric Sparenberg ma­tapos ang eighth round ng 21st Hogeschool Zeeland Open 2017 sa Vlissigen, The Netherlands noong Bi­yernes ng gabi.

Nauna nang natalo ang 21-anyos na Pinay WGM kina  GM Konstantin Landa ng Russia at Attila Czebe ng Hungary.

Sa nasabing kabiguan kay Czebe ay isinuko ni Frayna ang isang winning game na nagresulta sa kanyang pagkatalo sa 40 moves ng Modern Defense.

Nautakan ni Frayna si Czebe sa middlegame mu­la sa kanyang ginawang dalawang passed pawns sa gitna para makaporma ng winning position.

Ngunit nakawala kay Frayna ang mga tsansa para talunin si Czebe.

Nakapuwersa sana si Frayna ng draw kundi lamang siya nakagawa ng blunder sa 37th at 39th moves.

Dahil sa kanyang tatlong magkasunod na kabiguan ay nanatili si Frayna na may 4.5 points.

Ginagamit ni Frayna ang kanyang European trip para makakolekta ng rating points.

Samantala, tinalo naman ni GM Jayson Gonza­les, ang coach ni Frayna, si Dutch Andries Mellema para sumosyo sa eighth spot sa kanyang 6.0 points.

Kalahating puntos lamang ang agwat ni Gonzales sa isang seven-player lead pack na pinangungu­nahan ni top seed GM Eduard Itturrizaga Bonelli na nagdadala ng 6.5 points.

Nakatakdang labanan ni Gonzales si Dutch IM Hugo Ten Hertog sa final round habang isinusulat ito.

comments powered by Disqus

mofuse.com