Gilas training sa Nov. pa masisimulan

MANILA, Philippines — Maraming beses nang hinahawakan ni head coach Chot Reyes ang Gilas Pilipinas.

At alam niyang hindi siya magkakaroon ng kumpletong koponan sa kanilang mga ensayo.

Sa Nobyembre 3 ay sisimulan ni Reyes ang paghahanda ng Gilas Pilipinas para sa lalahukang World Cup home-and-away qualifying series sa susunod na buwan.

Kumpara sa ibang bansa, mas maikling panahon lamang naihahanda ni Reyes ang Nationals.

“Its better than nothing but it’s one thing to say na November 3 you have three weeks to practice. But it’s another thing to say will they be there a hundred percent,” sabi kahapon ni Reyes.

“Parang noong last FIBA Asia Cup, we started a two-week preparation but hindi tayo nakumpleto except for one practice at nabuo lang tayo noong nandoon na tayo sa Lebanon,” dagdag pa nito.

Huhugot si Reyes ng 12 players mula sa 24-man national training pool na binubuo nina naturalized center Andray Blatche, Jayson Castro, Calvin Abueva, Japeth Aguilar, Gabe Norwood, Raymond Almazan, June Mar Fajardo, Jio Jalalon, Allein Maliksi, RR Pogoy, Terrence Romeo, Troy Rosario, Matthew Wright, Baser Amer, Kevin Alas at Norbert Torres.

Kasama rin sa pool sina Gilas cadets Mac Belo, Carl Bryan Cruz, Kevin Ferrer, Kobe Paras, Ray Parks, Kiefer Ravena, Mike Tolomia at Christian Standhardinger.

Makikipaglaban ang Pilipinas sa 15 pang bansa para sa pitong tiket na inilatag sa rehiyon para sa 2019 World Cup na idaraos sa China.

Inilatag ang kabuuang tatlong ‘windows of competitions’ para sa first round ng nasabing qualifying series para sa FIBA World Cup na pamamahalaan ng China sa 2019. (RCadayona)

comments powered by Disqus

mofuse.com