Air Force sumalo sa No. 2 spot

By Chris Co Na-blocked ni Angel Mae Antipuesto katulong ang teammate na si Mary Ann Balmaceda ng Air Force ang kill ni Gretchel Soltones ng BaliPure. Jun Mendoza

MANILA, Philippines - Pinasuko ng Philippine Air Force ang BaliPure sa huling sandali ng laro upang maitakas ang 23-25, 25-21, 25-19, 18-25, 15-11 panalo upang sumosyo sa ikalawang puwesto sa Premier Volleyball League Open Conference kagabi sa The Arena sa San Juan City.

Humataw si middle blocker Jocemer Tapic nang pumalo ito ng 17 puntos mula sa 15 attacks at dalawang aces para dalhin ang Lady Jet Spikers sa ikatlong panalo.

“Ibinalik lang namin yung kumpiyansa ng bawat isa. Nandun na ulit yung pagkakaisa sa team kaya maganda ang kinalabasan. Hindi kami bumitaw hanggang sa huli,” wika ni Tapic.

Nakakuha ng sapat na suporta si Tapic mula kina Mary Ann Pantino, Joy Cases at 6-foot-3 middle hitter Dell Palomata na umiskor ng malalaking puntos sa krusyal na sandali ng laro kabilang na ang game-winning off-the-block shot.

Makakasama ng Air Force ang nagdedepensang Pocari Sweat sa No. 2 spot hawak ang parehong 3-1 marka sa ilalim ng na­ngungunang Creamline na may malinis na 4-0 kartada.

Bumagsak naman ang Water Defenders sa 2-2 baraha.

Sa men’s division, mabilis na dinispatsa ng Cignal HD ang baguhang Gamboa Coffee sa pamamagitan ng 25-11, 25-15, 25-18 panalo upang manatiling walang bahid ang kanilang rekord.

Bilang paghahanda sa pagliban nina Mark Alfafara, Bonjomar Castel at Herschel Ramos na sasabak sa training camp sa national team, naglatag ng bagong kumbinasyon si Cignal coach Oliver Almadro kung saan nangibabaw si Saku Capate na may naitalang 10 puntos.

Nagdagdag naman ng pinagsamang 15 puntos sina Ysay Marasigan at Peter Den Mar Torres.

Wala pa ring panalo ang Coffee Spikers kung saan tanging walong puntos lamang ang nagawa ni Philip Bagalay.

Namayani naman ang Sta. Elena laban sa Philippine Army sa bisa ng 25-15, 22-25, 25-21, 25-23 para sumulong sa 2-2 rekord.

Nanguna si Joven Camaganakan na may 16 puntos katuwang si Jan Berlin Paglinawan na gumawa naman ng 15 mar­kers para sa Sta. Elena.

Nahulog sa 1-3 ang Troopers na nakakuha ng 16 puntos mula kay Benjaylo Labide.

 

comments powered by Disqus

mofuse.com