Rondina-Viray tandem diretso sa UAAP Beach Volley Finals

By Chris Co

MANILA, Philippines — Kinailangan nina Cherry Rondina at Caitlyn Viray ng University of Santo Tomas ng malakas na puwersa para itakas ang 22-20, 17-21, 15-13 panalo laban kina Bernadeth Pons at Kyla Atienza ng Far Eastern University para masungkit ang outright championship berth sa women’s division ng UAAP Season 80 beach volleyball tournament kahapon sa Sands SM By The Bay sa Pasay City.

Nakumpleto ng Tigresses ang matamis na 7-0 sweep sa eliminasyon na nagdala sa kanila sa awtomatikong silya sa finals.

“Talagang pinaghirapan namin ito. Siyempre yung FEU hindi basta-basta bibigay. Talagang nahirapan muna kami. Kinakailangan pang trabahuhin. Pero mas maganda kung makuha namin ang gold,” wika ni Rondina.

Hawak ng Tigresses ang 6-2 kalamangan nang humataw ang Lady Tamaraws para maagaw ang bentahe sa 8-7.

Nakuha pa ng FEU ang 10-9 abante dahil sa error ni Viray.

Subalit bumanat ng tatlong sunod na puntos ang Tigresses para makuha ang 12-10 kalamangan. Dalawang krusyal na pagkakamali ang nagawa ng UST para muling magtabla ang laban sa 12-all.

Mula dito, umatake ang Tigresses sa likod ni Viray para kunin ang panalo.

Nahulog sa ikalawang puwesto ang Lady Tamaraws hawak ang 6-1 marka.

Hawak ng FEU ang twice-to-beat advantage sa stepladder semifinals.

Nahablot naman nina Tin Tiamzon at May Luna ng De La Salle University ang huling silya sa semis matapos gapiin sina Bea de Leon at Jules Samonte ng Ateneo, 21-10, 21-9.

comments powered by Disqus

mofuse.com