SEAG gold medalists babandera sa karera

MANILA, Philippines — Papagitna ang mga pinakamahuhusay na siklista ng bansa sa pagpapakawala ng PhilCycling National Championships for Road sa massed start race ngayon sa Subic at Bataan.

Babanderahan nina Marella Vania Salamat, Marc Galedo at ang beteranong si Alfie Catalan-- lahat ay mga dating Southeast Asian Games gold medalists ang karera sa men at women elite, under 23 at men junior sa ganap na alas-9 ng umaga mula sa Subic Bay Exhibition and Convention Center.

Sasabak din sa kompetisyon si Ariana Domingo, ang two-time Southeast Asian mountain bike champion at sina dating Tour champion Santy Barnachea, George Oconer, Ronnel Hualda at Junrey Navarra.

Pepedal ang mga kalahok sa men's elite ng distan­syang 138.27 kilometro na tatampukan ng pitong kilo­metrong akyatan sa Dambana Ng Kagitingan giant cross sa Mount Samat. Isasabay ang women’s 96.55 kms ng circuit racing sa loob ng Subic.

Ang nasabing karera na itinatampok ng PRU Ride PH 2018, isang cycling festival na taunang  isinasagawa ng Pru Life UK.

Pinamunuan ni Pru Life UK Senior Vice President at Chief Marketing Officer Allan Tumbaga ang ribbon-cutting ceremony kahapon sa SBECC kasama si top-ranked Filipino-American female cyclist Coryn Rivera.

Si Rivera ay pepedal sa likod ng race column para sa kanyang paghahanda sa lalahukang 45 races ngayong taon.

Ang Fil-American rider ang isa sa pinakamagaling na women elite cyclist sa buong mundo matapos manalo sa 2017 Tour of Flanders sa Belgium at binanderahan ang US team sa 2016 Rio de Janeiro Olympics.

Ang event na may basbas ng PhilCycling na pinamumunuan nina president Tagaytay City Rep. Abraham “Bambol” Tolentino at chairman Alberto Lina ang magbibigay sa mananalo ng national champions’ jerseys.

comments powered by Disqus

mofuse.com