Beermen angat uli sa Hotshots

By Russell Cadayona

MANILA, Philippines — Kagaya ng inaasahan, mas naging pisikal at tensyonado ang ikatlong pagtutuos ng mga Beermen at Hotshots.

Ngunit sa huli ay mas nangibabaw ang cham­pionship experience ng tropa ni coach Leo Austria.

Isang 15-3 atake sa pagsisimula ng fourth quarter ang inilunsad ng nagdedepensang San Miguel para iwanan ang Magnolia patungo sa 111-87 panalo sa Game Three ng 2018 PBA Philippine Cup Finals kagabi sa Smart Araneta Coliseum.

Ang ikalawang sunod na pananaig ng Beermen ang nagbigay sa kanila ng 2-1 bentahe sa best-of-seven championship series nila ng Hotshots.

Matapos isara ang third period bitbit ang 75-68 abante ay naghulog ang San Miguel, nasa kanilang ika-39 PBA Finals appea­rance at target ang pang-25 korona, ng 15-3 bomba para iposte ang 20-point lead, 91-71 laban sa Magnolia sa 6:18 minuto ng fourth quarter.

At mula rito ay hindi na binitawan ng Beermen, itinakbo ang 92-77 tagumpay sa Game Two, ang naturang kalamangan para selyuhan ang kanilang panalo sa Hotshots, kinuha ang 105-103 panalo sa Game One.

Samantala, tanging ang Alaska at Globalport na lamang ang dalawang koponang wala pang maipaparadang import para sa darating na 2018 PBA Commissioner’s Cup.

Limang reinforcements ang magbabalik sa se­cond conference na may height limit na 6-foot-10 at nakatakdang simulan sa Abril 22 habang limang bagong mukha naman ang magpapasikat.

Tinapik ng nagdedepensang San Miguel si 6’9 Troy Gillenwater dahil nag­lalaro pa si 2017 PBA Best Import Charles Rhodes para sa KCC Egis sa Korean Basketball League.

Sa likod ni Rhodes ay tinalo ng Beermen ang TNT Katropang Texters sa championship series noong nakaraang taon.

Naglaro rin si Gillenwater, isang undrafted player noong 2012 NBA Draft, sa Korea bukod pa sa Greece, Russia, Japan at Turkey.

Sa huling linggo naman ng Mayo maaaring makuha ng San Miguel ang serbisyo ni 2018 PBA No. 1 overall pick Christian Standhardinger, kumakamada para sa Hong Kong Eastern Lions sa ASEAN Basketball League.

Pansamantala namang ipaparada ng Barangay Ginebra si Shane Edwards dahil kasalukuyan pang naglalaro si resident import Justin Brownlee para sa San Miguel-Alab Pilipinas sa ABL.

Si Edwards ay nauna nang kumampanya para sa Alaska noong 2016 PBA Commissioner’s Cup bilang kapalit ni PBA Best Import Rob Dozier, nagkaroon ng plantar faciistis injury.

Naging import si Edwards ng CLS Indonesia na nasibak sa ABL.

Maliban kay Edwards, ang iba pang balik-imports ay sina Jarrid Famous ng Blackwater, Vernon Macklin ng Magnolia, Arinze Onuaku ng Meralco at James White ng Phoenix.

Tinulungan ng 6’10 na si Macklin ang Gin Kings na makapasok sa PBA Commissioner’s Cup Finals noong 2013 ngunit winalis ng Aces, 3-0 sa kanilang best-of-five title series.

Sasalang naman sa kanilang PBA debut sina Gillenwater, C.J. Aiken ng Kia, Arnett Moultrie ng NLEX, Reggie Johnson ng Rain or Shine at Jeremy Tyler ng TNT Katropa.

Kinatakutan ang 29-anyos na si Famous sa kanyang paglalaro para sa Meralco at Globalport matapos siyang magposte ng mga averages na 30.2 points at 23 rebounds noong 2015 PBA Commissioner’s Cup.

comments powered by Disqus

mofuse.com