3 pang ginto sa Pinoy athletes

By Chris Co

image

Maurice Sacho Ilustre

9th Asean school games

MANILA, Philippines - Sumiguro pa ng tatlong gintong medalya ang Pilipinas sa 9th Asean Schools Games na ginaganap sa Singapore School Sports sa Singapore.

Sumisid ng apat na medalya ang Pinoy tankers kabilang ang isang pilak at isang tansong medalya.

Nanguna sa ratsada ng koponan si Palarong Pambansa multi-gold medalist at record holder Maurice Sacho Ilustre nang magrehistro ito ng 52.23 segundo upang pagharian ang boys’ 100m freestyle.

Pinataob ni Ilustre sina Singapore bets Mikkel Jun Jie Lee (52.44) at Samuel Shaojun (53.07) na nagkasya sa pilak at tansong medalya, ayon sa pagkakasunod.

Nagdagdag pa si Ilustre ng pilak na medalya sa boys’ 400m freestyle event.

Si Ilustre, kumampanya rin sa Philippine Swimming League (PSL) sa Hong Kong Swim meet, ay humakot ng pitong gintong medalya sa 2017 Palarong Pambansa na ginanap sa San Jose de Buenavista sa Antique.

Nagparamdam din ng lakas si Filipino-British swimmer Bhay Maitland Newberry matapos mamayagpag sa girls’ 200m breaststroke.

Itinala ni Newberry ang 2:20.88 minuto para gapiin si Permatahani Azzahra ng Indonesia na may 2:23.31 para sa pilak.

Ibinulsa naman ng isa pang Pinay na si Raven Faith Alcoseba ang tanso sa naisumite nitong 2:26.41.

“No words can describe how thankful I am right now, it’s an honor carrying the name of the Philippines,” ani Newberry, hinasa ng PSL ang talento sa ilalim ni PSL President Susan Papa sa edad  na 8-anyos sa pagbi­bigay ng tatlong international exposure, (Hong Kong, Singapore at Bangkok meet).

Sa athletics competition sa Bishan Stadium, na­kaginto rin si James Orduna ng University of the East-Manila sa boys’ 3,000m run nang umoras ito ng 8:56.00.

Nauna nang humirit ng gintong medalya si trackster Karl Arvyn Aquino sa boys’ long jump.

“We are happy with the good start. We hope to sustain this fine showing. Credit goes to the athletes for giving it their best,” wika ni Philippine Sports Commissioner Charles Raymond Maxey.

Inihayag naman ni Department of Education (DepEd) Assistant Secretary Tonisito Umali na mabibigyan ng insentibo ang lahat ng gold medalist sa Asean Schools Games.

comments powered by Disqus

mofuse.com