Biyaheng semis sa Foton

By Francisco Cagape

MANILA, Philippines — Nagwagi ang nagdedepensang Foton  sa four sets laban sa Sta. Lucia, 21-25, 25-17, 25-23, 25-17, upang masungkit ang ikatlong semifinal slot kahapon sa pagpapatuloy ng 2017 Chooks to Go-Philippine Superliga (PSL) Grand Prix quarterfinal round sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.

Medyo nangangapa ang Tornadoes sa unang set kaya naiwanan sila  sa 21-25 sa loob ng 30 minuto, ngunit sa sumunod na sets pinangunahan ni 6’6 Jaja Santiago ang opensa at depensa ng tropa ni coach Moro Branislav para bumangon at makapasok sa semis.

Bunga ng panalo, ma­kakaharap ng Foton ang Petron Blaze sa knockout semis bukas sa Mall of Asia Arena.

Sa ikalawang semis match, naghihintay pa ang top seed F2 Logistics sa mananalo sa quarterfinal match ng Cignal HD at Cocolife na naglalaro pa habang sinusulat ang istor­yang ito.

Nakuha ng Cargo Movers ang unang semis match sa pamamagitan ng madaling 25-19, 25-12, 25-17 panalo sa Iriga City noong Martes.

Umarangkada si Santiago ng 21 puntos kabilang na ang 16 atake, dalawang blocks at tatlong service aces para sa Tornadoes habang umani naman ng 23 puntos ang Serbian import na si Sara Klisura, 20 nito mula sa atake at tatlong kill blocks.

“Sa first set, nawala ‘yung service at recieve namin. Siguro dahil hindi pa nag-init ang bawat isa sa amin. Pero sa susunod na mga sets nakabawi naman kami,“ ani Jaja.

comments powered by Disqus

mofuse.com