Ignacio pasok sa main draw

By Chris Co

MANILA, Philippines — Nakahirit ng tiket sa main draw si Jeffrey Ignacio sa prestihiyosong 2017 World Pool 9-Ball Cham­pionship na magsisimula sa Sabado sa Al Arabi Sports Club sa Doha, Qatar.

Nagrehistro si Ignacio ng limang sunod na panalo sa qualifying round kabilang ang 7-2 pananaig kay Hsieh Chia Chen ng Chinese-Taipei sa kanyang final match para makasiguro ng silya sa main draw.

Iginupo rin ng 25-anyos na si Ignacio sina Khaled Sayaf ng Kuwait sa second round (7-1), Lin Sheng Yung ng Chinese-Taipei sa third round (7-4) at Taher Hussain ng Qatar sa fourth round (7-1).

Hindi naman pinalad ang isa pang Pinoy na si Adonis Santos na lumasap ng 3-7 kabiguan kay Yang Shing Shun ng Chinese-Taipei sa third round.

Dalawa pang qualifying events ang idaraos upang mabigyan ng tsansa ang iba pang manlalaro na makapasok sa main draw ng torneong may nakalaang $200,000 kabuuang  premyo.

 Sa main draw, hahatiin ang 128 manlalaro sa 16 grupo na binubuo ng walong manlalaro kung saan ipatutupad ang double elimination format.

Apat na manlalaro lamang sa bawat grupo ang mabibigyan ng puwesto sa knockout stage na may race to 11, alternate break na format.

Inaasahang aarangkada rin sina reigning All-Japan 10-Ball titlist Johann Chua, World Games champion Carlo Biado at sina dating world champions Dennis Orcollo at Alex Pagulayan kasama sina Warren Kiamco, Lee Vann Corteza, Jeffrey De Luna, Francisco  ‘Django’ Bustamante at Efren ‘Bata’ Reyes.

comments powered by Disqus

mofuse.com