CEU nais makabalik sa liderato

By Francisco Cagape

MANILA, Philippines — Asam ng Centro Escolar University  na muling makuha ang solo top spot sa kanilang pagsagupa sa kulelat na Batangas-EAC sa pagpapatuloy ng 2018 PBA D-League Aspirants’ Cup ngayon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Tangan ang 8-2 win-loss kartada, haharapin ng Scorpions ang wala ng pag-asang umusad pa sa playoff round na Batangas-EAC Generals sa alas-2 ng hapon habang target ng Go for Gold-St. Benilde ang pang-limang panalo sa pagtatagpo nila ng AMA Online Education Titans sa alas-4 ng hapon.

Pinag-iingat ni coach Yong Garcia ang Scor­pions dahil nakataya sa naturang laro  ang kanilang hangarin na tumapos sa top two slots upang makamit ang isa sa dalawang outright semifinal berth.

Nakumpleto na ang roster na uusad sa playoff round matapos sibakin ng Gamboa Coffee Mix-St. Clare ang Wangs Basketball-Letran, 87-76 noong Martes.

Kasama ng Wangs-Letran (5-5) na inalisan ng pag-asang makausad pa sa susunod na round ang Go for Gold (5-5), University of Perpetual Help (3-7), Jose Rizal Heavy Bombers (2-8), AMA Online (1-8) at Batangas-EAC (1-8).

Na siyang naging daan para umabante  sa playoff round ang CEU Scorpions (8-2), Akari-Adamson Falcons (8-2), Marinerong Pilipino Skippers (8-2), Che’Lu Bar and Grill-San Sebastian (7-3), Zark’s-LPU (6-4) at Gamboa Coffee-St. Clare (6-4).

Ang dalawang top two teams ay didiretso sa semis habang ang natitirang pangatlo hanggang sa pang-anim na puwesto ay maghaharap sa quarterfinal round kung saan ang No. 3 at No. 4 ay may hawak  ng twice-to-beat advantage.

Pag-aagawan pa ng CEU, Akari-Adamson Falcons at Merinerong Pilipino ang top two slots kaya kaila­ngang manalo ngayon ang Scorpions para manatiling buhay ang pag-asa ng tropa ni  Garcia  na makuha ang outright semis slot  sa pagtatapos ng elimination round.

comments powered by Disqus

mofuse.com